Letran, San Beda magpapakatatag sa itaas

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
2 p.m. San Beda vs EAC
4 p.m. Letran vs San Sebastian
Team Standings: Letran (8-1); San Beda (7-2); Perpetual (7-2); Arellano (6-3); JRU (5-4); Mapua (4-5); St. Benilde (2-7); San Sebastian (2-7); EAC (2-7); Lyceum (2-7)

MAGANDANG panimula sa second round ng 91st NCAA men’s basketball ang nais ng Letran at San Beda sa pagharap sa mga koponang nasa huling puwesto ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.

Ang Letran ay makikipaglaro sa San Sebastian sa tampok na laro na magsisimula matapos ang bakbakan ng San Beda at Emilio Aguinaldo College sa ganap na alas-2 ng hapon.

Mag-isa na okupado ng Knights ang tuktok sa 10-team standings sa 8-1 karta habang ang five-time defending champion Red Lions ay nasa ikalawang puwesto kasalo ang pahingang University of Perpetual Help Altas sa 7-2 kartada.

Sa kabilang banda, ang Stags at Generals ay kasalo ng pahingang St. Benilde  at Lyceum sa huling puwesto sa 2-7 karta kaya’t asahan na pupukpok ang mga ito para hindi maagang matapos ang kampanya sa pinakamatandang collegiate league sa bansa.

Di magandang pagtatapos sa first round ang nangyari sa tropa ni San Beda coach Jamike Jarin nang natalo sila ng karibal para sa kampeonato noong nakaraang taon na Arellano, 84-88, kaya tiyak na maalab na laro ang ipakikita ng Red Lions para pansamantalang solohin ang ikalawang puwesto.

Gagawin nila ito na wala ang 6-foot-8 sentro na si Ola Adeogun na sinuspindi ng liga ng isang laro matapos basagin ang glass door ng kanilang locker room sa laro laban sa Chiefs.

Si Arthur dela Cruz na napili bilang ninth pick sa idinaos na PBA Rookie Draft at naghatid ng 24.5 puntos, 15 rebounds, 5 assists at 1.5 steals ang siyang aasahan nang husto ng Red Lions.

Kailangan ding magpatuloy ang larong ipinakikita ni 6-foot-6 Pierre Tankoua na siyang papalit sa puwesto ni Adeogun. May respetadong 13.5 puntos kada laro ang naihatid ni Tankoua sa first round.

Ang mga kamador na sina Rey Nambatac (18 puntos), Mark Cruz (14) at Kevin Racal (10.5) ang mangunguna sa Knights upang manatiling malinis ang karta ni rookie head coach Aldin Ayo.

Ang natatanging talo ng Knights ay nangyari noong suspindido si Ayo.

Galing ang koponan sa 80-77 panalo sa host Mapua at ang dikit na laro ay pinaniniwalaan ni Ayo na hudyat sa mas mabigat na labanan sa second round.

“Mag-a-adjust ang mga kalaban sa amin pero marami pa akong panggulo,” wika ni Ayo na dinala ang koponan sa Baguio para sa team building at dagdag pagpapakondisyon para sa inaasahang mas mabigat na labanan.

Read more...