KASAMA ng bawat balikbayan box na dumarating sa Pilipinas ay ang pagmamahal ng taong nagpadala nito sa kanyang pamilya.
Emosyonal ang u- sapin ng balikbayan box dahil naglalarawan ito ng ugnayan ng Pilipinong nagsakripisyo na malayo sa mga mahal sa buhay para makapagtrabaho sa ibang bansa.
Kalakip ng mga iba’t ibang gamit na padala ni tatay, nanay, kuya, ate, pinsan, bayaw, bilas, tito, tita, at kahit kay best friend pa ay pag-alaala, pag-asa at pag-asam na isang araw muli silang magkikita-kita.
Balikbayan box ang tagapamagitan sa kanila.
Ito ang hindi isinaalang-alang ng Bureau of Customs nang sabihin na bubuksan nila ang mga padalang balikbayan boxes ng mga OFWs.
Oo nga’t nasa kanilang kapangyarihan at hindi labag sa batas ang “random opening” ng mga kahong ito, ang paraan at ang dahilan kung bakit biglang ipa- patupad ang siyang nakakasugat sa damdamin ng ating mga kababayan na nasa ibang bansa.
Una, naroon ang pagdududa na ginagamit ito sa pagpapadala ng mga kontrabando. Sinasamantala at ginagamit sa smuggling gaya ng droga.
Ganun nga ba ang takbo ng utak ng mga sindikato ng smugglers at grupong kriminal?
Smuggling ba raw? May napatunayan na ba ang BOC sa kampanya laban sa smuggling? Wala sanang puna ngayon sa BOC sa paghihigpit sa balikbayan box kung ang nakikita ng taumbayan ay talagang hinahabol nga nito ang malalaking smuggler ng sasakyan, bigas at ng kung anu-ano pang kontrabando.
Hindi magiging ganito ang tutol ng mga kababayan nating naghahanapbuhay sa ibang bansa kung matino ang BOC.
Sabi ni Customs Commissioner Bert Lina, wala nang urungan, ang batas ay batas. Matagal na daw dapat itong i- pinatupad. Ganon? dapat pa pala tayong magpasalamat sa kanya at sa wakas ay naipatupad na ang batas ng tamang pagbubuwis sa mga padala ng mga pangkaraniwang OFW?
Ulitin natin ang punto. Kung sana ay tunay na may pangil at talim ang kampanya ng BOC sa mga tunay na mapagsamantala at gahamang smugglers, anumang bagong polisiya o anumang dating polisiya na palalakasin ang pagpapatupad ay malugod na tatanggapin. Ang kaso, hayagan ang proteksyong naibibigay sa mga tunay na lumalabag sa batas.
Nakausap namin sa Radyo Inquirer si Susan Ople ng Ople Labor Center at isang kilalang tagapagtanggol ng mga OFWs.
Sabi sa amin ni Susan, nang i-trace nila kung paano nagsimulang talakayin ito ng BOC nito lamang August 19 sa porma ng isang babala, isang paalala. Hindi isang information campaign na matatawag kundi isang babala at paalala. At pagkatapos ay may anunsyo na gagawing “random opening” sa mga balikbayan boxes.
May pagmamadali at kapansin-pansin ang timing ng polisiyang gustong agad na ipairal. Ano bang meron? May pangyayari bang magaganap para mangailangan ng malaking pondo?
Hindi bulag ang mamamayan lalo na ang mga kababayan nating dugo’t pawis at labis na pangungulila ang dinaranas sa ibang bansa, makapagpadala lang ng kapirasong bahagi ng kanyang pinagkakitaan sa kanyang pamilya.
Sa bawat balikbayan box na dumarating, ang kapalit, hindi matatawaran, hindi matutumbasan.
Materyal na bagay, oo, may halaga, oo. Pero ang kasiyahan ng nagpapadala at ng tumatanggap ng mga nilalaman ng balikbayan box ay hindi matatawaran, hindi matutumbasan. Iyon ang hindi nakita rito, at marahil hindi na makikita pa sa takbo ng pangangatwiran ng mga namumuno sa BOC.