INAMIN ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na may posibilidad na isa siya sa mga pwedeng pagpilian ng Liberal Party para maging runningmate ng kandidato nila sa pagka-Presidente na si Sec. Mar Roxas.
Magkapartido kasi sina Mayor Bistek at Sec. Mar. Kaya kung wala na talagang makuha na maging VP si Sec. Roxas, pwedeng-pwede naman daw si Mayor Bistek.
“E, wala akong magagawa, nasa Liberal Party ako. Pero tingin ko kung hindi si Grace (Poe), somebody from the other party para mas lumakas,” lahad niya.
Kapag nagkataon, number one supporter ng Mar-Bistek sina Korina Sanchez-Roxas at ang Queen of All Media na si Kris Aquino. “Ano ba? Ha-hahaha! Kasal na ba kami (ni Kris)?”
Sa ngayon, ang tiyak ni Mayor Bistek ay ang pagtakbo niya bilang lider ulit ng Quezon City. Tatapusin daw muna niya ang huling term niya bilang Mayor.
Bagaman may mga alingasngas na pinu-push daw siya ni Q.C. Rep. Sonny Belmonte na tumakbo sa Senate at ang kanyang anak na si Vice-Mayor Joy Belmonte naman ang tatakbong Mayor, “A, wala pang pinag-uusapan. ‘Yung pinu-push ako para tumakbong Senador, hindi ko pa alam.
“Well, mare-reelect pa ako ng isa, e. So, meron pa akong isang term. Tingnan natin. Marami naman ang pwedeng mangyari. After 30 years in government I think I’ll be able to contribute rin naman sa national deve- lopment, kung matutuloy ako sa Senate or hindi,” paliwanag ni Mayor Bistek noong makausap namin sa gala night ng “MLQ: Ang Buhay ni Manuel Luis Quezon” play sa bagong bukas ulit na New Frontier Theater last Wednesday.
As of this writing, hindi pa rin siya nakakapag-start mag-shoot para sa movie niya with Kris Aquino na intended for Metro Manila Film Festival, ang “Mr. and Mrs. Split.”
Sa huling pag-uusap daw nila ni Kris, sinabi ng TV host na tatapusin niya muna ang “Etiquette of A Mistress.”, “Magko-concentrate muna siya doon and then after that ‘yung movie namin. Hopefully, matuloy ‘yung pelikula. Baka biglang magkasakit or ano, alam mo ‘yun? Hindi natin alam, e. But we’re praying na matuloy.”
Ibig sabihin nito, tuluy-tuloy pa rin ang pagkikita at komunikasyon nina Mayor Bistek at Kris, “E, oo naman. Siyempre kailangan nagba-bonding kayo paminsan-minsan dahil magsisi- mula na ‘yung pelikula. But beyond the movie, ‘yung friendship should be there,” say niya.
Samantala, thankful naman si Mayor Bistek sa Araneta Center sa pagpayag na ang maging kauna-unahang activity sa pagbubukas muli ng New Frontier ay ang pagtatanghal ng play tungkol sa buhay ng kauna-unahang Presidente ng Pilipinas na si Manuel Quezon, na ginanap sa mismong kaarawan ng bayani noong Agosto 19.
“Well, ‘yung leadership ni MLQ sana tumatak sa isipan ng mga tao. Tandaan natin na si Manuel Quezon ang nakipaglaban sa kalayaan at independence ng Pilipinas sa panahon niya na naging isang tunay na Republika tayo. So, very historical ‘yun.”
Bahagi rin daw ng 75th anniversary ng Kyusi ang staging ng “MLQ” play. Magtatapos ang celebration ng 75th anniversary ng Q.C. ngayong darating na October kasabay ng deadline for filing of candidacy para sa 2016 election.