Bagito sa motorsiklo

ISANG bagito sa pagmomotor ang nag-text sa atin mula sa General Santos City.

Posibleng bata ang bagong rider at nakatira sa subdibisyon (kulang ang mga impormasyong ibinigay sa kanyang text message sa Motorista, ang regular Motor page ng Bandera).

Ang tanong ng ating texter ay tungkol sa helmet bilang protective geat at ang ICC sticker.

Heto ang tugon natin sa kanya: Ang helmet na may ICC sticker na simula sa susunod na taon ay magiging requirement ng mga awtoridad, mapa-pulis man ‘yan at militar sa mga checkpoint dito sa Metro Manila at maging sa lalawigan.

Ang helmet ay isang mahalagang proteksyon kapag sumasakay sa motorsiklo.

Kasing-halaga rin ng helmet ang iba pang mga protective gear gaya ng jacket na mayroong matigas na harapan at likuran, ang knee at elbow pads at iba pang  proteksyon sa binti.

Bahagi rin ng protective gear ang makapal na pantalon na nagsisilbing proteksyon sa balat at isang high-cut rubber shoes, hindi ang canvass type.Mahalaga na rin na matutuhan ang tamang pagmamaneho at pagbalanse.

Madali itong naipapasa ng mga maayos at may karanasang rider sakaling walang professional safety instructor gaya ng mga nagtuturo mula sa Motorcycle Philippines Federation.

Ang mga nangungunang Japanese manufacturer ng motorsiklo na maraming benta sa bansa ay madalas na nagpapakalat ng mga safety engineers sa kanilang mga sales campaign.

Ang basic skills sa pagmo-motor ay ang pag-start ng sasakyan, pagkontrol sa daloy ng gasolina at ang start and stop exercises.

Sa mga motorsiklong may auto-clutch, hindi na kailangan ng lever exercises-throttle combinations upang umandar ang sasakyan.

Sa lever clutch, ang pagpapaandar ng motorsiklo ay kailangang naka-depressed mode at dahan-dahang pinapakawalan habang ang balbula ay ibinababa.

Mahalaga naman ang start and stop exercises, higit sa mga motor rider na kadalasang binabaybay ay ang mga syudad o mga lugar na madalas ang traffic.

Kailangan din na alam ang tamang paggamit ng headlight, mga salamin, pagpapalit ng kambiyo at tamang posisyon sa pagmamaneho gayundin ang tama at kalkuladong banking.

Kapag nagmamaneho na sa kalsada ay maraming pamamaraang matututunan ang isang rider, at ito ay nakadepende sa sitwasyon gaya ng pag-akyat at pagbaba sa sidewalk, at pagsingit sa pagitan ng dalawang sasakyan ng hindi tumatama sa side mirrors.

Kung ang rider ay mayroong dala o may backride, ibang usapan na ito at hindi para sa bagito. — Lito Bautista, Leifbilly Begas

Read more...