PNoy kontra sa house arrest ni GMA

Unknown
KINONTRA ni Pangulong Aquino ang isinusulong na house arrest para kay dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo matapos namang payagang makapagpiyansa si Sen. Juan Ponce Enrile.

“Ano ba ang value dadalhin siya sa bahay? Ilalayo mo doon sa pagamutan. Kung ang dahilan nga nasa pagamutan siya dahil may isyu siya sa kalusugan. So anong magagawa doon sa bahay na hindi magagawa ‘nung hospital? Bakit ilalayo mo pa sa pagamutan?” sabi ni Aquino sa isang ambush interview sa Cebu City.

Ito’y matapos naman ang isinusulong na resolusyon sa Kamara na sumusuporta sa house arrest ni Arroyo na kasalukuyang naka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa harap naman ng kinakaharap na plunder.

“Iyong kay GMA naman, huwag nating kalimutan ‘yung hospital arrest in itself is a privilege and she is in under hospital arrest to ensure that whatever available remedies, cures, therapies, are needed—are given in a very timely fashion,” giit pa ni Aquino.

Sinabi pa ni Aquino na kapag pinayagan si Arroyo na makauwi sa bahay, nangangahulugan ito na wala siyang problema sa kalusugan.

“Kung wala nang isyu sa kalusugan, bakit nasa hospital pa? So, I think I’ll have to ask for an update pero the way I understand it, ‘yung lahat nang dapat at puwedeng gawin ginagawa na para i-ensure ‘yung kanyang kalusugan,” ayon pa kay Aquino.

Aniya, nahaharap si Arroyo sa plunder na hindi pinapayagan ang piyansa.

Nauna nang nakapagpiyansa si Enrile matapos namang payagan ng Korte Suprema sa kabila ng plunder na kinakaharap.

Read more...