Thompson nakuha ang ikalawang NCAA weekly award

HINDI hadlang para kay Earl Scottie Thompson ang mga nararamdaman sa katawan para hindi ibigay ang galing upang manalo ang pinaglalaruang Perpetual Help.

Ipinagpag ni Thompson ang tinamong left ankle sprain sa huling laro para makapagtala ng isa pang triple-double game sa 86-83 overtime panalo laban sa Jose Rizal University Heavy Bombers.

Tumapos si Thompson taglay ang 13 puntos, 13 rebounds at 17 assists para wakasan ng Altas ang first round elimination bitbit ang dalawang dikit na panalo para saluhan ang five-time defending champion San Beda sa ikalawang puwetso sa 7-2 baraha.

Ito rin ang ikatlong triple-double ni Thompson sa 91st season ng liga para ipagkaloob sa kanya sa pangalawang pagkakataon ang ACCEL Quantum 3XVI-NCAA Press Corps Player of the Week.

“Nag-alala ako dahil may injury siya. Pero nakapag-ensayo siya at takbo ng takbo at maganda ang pakiramdam niya kaya ganoon ang laro niya,” wika ni Altas coach Aric del Rosario.

Alam naman ni Del Rosario na sa pagpasok ng second round ay magsisimula na ang tunay na labanan sa hanay ng 10 koponan kaya’t umaasa siya na hindi na magkakaroon ng anumang aberya sa kalusugan ang kanyang manlalaro sa pangunguna ni Thompson.

Ang isa pang all-around guard na si Jiovani Jalalon ng Arellano ang isa pang manlalaro na ikinonsidera sa lingguhang citation mula sa mga kumokober ng NCAA.

Read more...