Tatlo katao ang nasawi habang isa pa ang malubhang nasugatan nang masabugan ng granada na kanila umanong pinaglaruan habang nagpa-“pot session” sa Antipolo City, Rizal, kahapon, ayon sa pulisya.
Dead on the spot sina Michael Wong at Art dela Cruz habang di na umabot nang buhay sa pagamutan si Ronald Tupino, sabi ni Superintendent Chitadel Gaoiran, tagapagsalita ng Calabarzon regional police.
Patuloy namang nilulunasan si Benny Flores sa ospital, aniya.
Naganap ang pagsabog sa Sitio Taguisan, Bagong Nayon, dakong alas-10:30 ng umaga.
“Investigation disclosed that the victims were having a pot session when one of them played with a hand grenade which accidentally exploded,” ani Gaorian.
Matapos ang pagsabog ay nanakbo ang mga kasama din sa pot session na sina Eric Ramos at Joel Starling, pero nadakip sa followup operation ng lokal na pulisya.
Nakakuha ang pulisya ng dalawang granada, drug paraphernalia, at sachet na may bakas ng hinihinalang shabu sa pinangyarihan, ani Gaoiran.