NITONG nakaraang mga araw, naging kontrobersiyal muli itong si Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya matapos namang sabihin na hindi naman nakamamatay ang problema sa trapik sa Metro Manila.
Umani ng mga batikos ang pahayag ni Abaya na hindi naman “fatal” ang araw-araw na problema sa trapiko sa National Capital Region (NCR).
Bukod kasi sa pagiging insensitive ni Abaya sa nararanasang kalbaryo ng mga tao sa araw-araw, taklesa pa siyang matatawag.
Hindi naman siguro nag-aala Kris Aquino Aquino si Abaya sa kanyang pagiging taklesa dahil ang bunsong kapatid ni PNoy ang kilala sa mga ganitong mga kahalintulad na mga punch line.
Ilang araw pagkatapos na umani ng batikos at matapos ang payo marahil ng Malacanang, humingi ng sorry sa Abaya sa kanyang mga pahayag.
Sa kanyang paghingi ng paumanhin, inamin ni Abaya na naging insensitive siya sa kanyang naunang pahayag.
Halata namang may nagpayo lang kay Abaya na mag-sorry na para hindi na tumagal ang mga pagbatikos laban sa kanya at maging sa administrasyon.
Nakakaloka si Abaya na para sinabihan na lamang ang publiko na magtiis na lamang sa tindi ng trapik sa araw-araw dahil wala namang solusyong maibibigay ang gobyerno.
Lalo kasing umusok sa galit ang publiko kay Abaya dahil alam naman nating hindi na nga niya masolusyunan ang mga problema sa ilalim ng kanyang kagawaran, mariringgan mo pa ng hindi maganda.
Hindi ba’t parusa na lang lagi ang pagsakay sa MRT at LRT, ang mga masamang kalagayan ng ating mga paliparan at mga kontrobersiya sa mga ahensiyang nasa ilalim ni Abaya, babanat pa siya ng linyang “hindi naman siguro fatal yan.”
Ilang beses na bang pinagbibitiw si Abaya sa kanyang puwesto dahil sa kabiguang gampanan ang kanyang trabaho, dedma lamang siya dahil nga malapit kay PNoy dahil sa pagiging kaalyado nito sa Liberal Party.
Buti na lamang at patapos na ang termino ni Pangulong Aquino at umaasa na lamang ang publiko na matatapos na rin ang kalbaryo nila sa pamamahala ni Abaya sa kanyang departamento.
Kung manalo ang LP sa susunod na eleksyon, umaasa pa rin ba si Abaya na manatili sa DOTC o baka naman nais pa niyang bigyan ng mas mataas na puwesto?
Hindi baleng kapit-tuko sa puwesto, may nagawa namang mabuti para sa mga ordinaryong mamamayan. Tiyak ko namang aalma na ang mga mamamayan kapag pinalawig pa ang puwesto ni Abaya sakaling administrasyon pa rin ang manalo sa susunod na halalan.
Minsan dapat ay may puso rin ang mga naglilingkod sa ating gobyerno para naman ang kapakanan ng mga mamamayan ang kanilang prayoridad at hindi naman tila ipinaparamdam pa nila na wala nang solusyon ang mga problema sa ating bansa, partikular ang tindi ng trapik sa Metro Manila.
Kay Secretary Abaya, hindi ang taumbayan ang humiling na umupo ka sa DOTC kayat kung sa tingin mo ay wala ka nang maibibigay na solusyon sa trapik, para sa ano pa at nariyan ka pa sa iyong puwesto? Nagtatanong lamang.