KINILABUTAN kami sa trailer ng pelikulang “Felix Manalo” ang biopic ng kauna-unang executive minister ng Iglesia Ni Cristo at siyang nagtatag ng nasabing relihiyon noong July 27, 1914.
Bukod kasi sa mga nakakaantig at madadramang eksenang napanood namin, napakarami ring malalaking artistang pumayag na mag-guest appearance sa pelikula na pinagbibidahan ni Dennis Trillo, ang gumaganap sa karakter ni Ka Felix Manalo.
Si Bela Padilla ang gaganap na asawa ni Dennis sa pelikula bilang si Honorata habang sina Mylene Dizon at Yul Servo naman ang gaganap na mga magulang ng Kapuso actor.
Ilan pa sa mga celebrities na nakita namin sa trailer ng “Felix Manalo” ay sina Gaby Concepcion, Richard Yap, Lorna Tolentino, Alice Dixson, Gladys Reyes, Heart Evangelista, Snooky Serna, Raymond Bagatsing, Jaclyn Jose, Phillip Salvador, Bembol Rocco, Elizabeth Oropesa, Eddie Gutierrez, Bobby Andrews, Ruru Madrid, Joel Torre at marami pang iba. Ito’y sa direksiyon ni Joel Lamangan.
Mapapanood sa mala-epic na pelikulang ito ang naging buhay ni Felix Manalo mula nang siya’y bata (1886) hanggang sa pumanaw siya noong 1963.
Sa presscon ng pelikula noong Huwebes, si- nabi nina Dennis at Bela na hindi sila nagdalawang-isip na tanggapin ang nasabing proyekto kahit na nga kilala silang mga debotong Katoliko.
Anila, napakaganda raw kasi ng movie at naniniwala sila na mara- ming mapupulot na aral ang mga Pinoy dito kahit na anong relihiyon ng mga ito.
Samantala, naniniwala naman si INC spokesman Edwil Zabala na hindi makakaapekto ang kinasangkutang kontrobersiya ng Iglesia sa “Felix Manalo”, “Naninindigan ako at naniniwala ako na hindi, walang epekto yun,” ani Ka Edwil.
Hindi na rin nagdetalye pa ang INC official tungkol sa balitang pag-aaklas diumano ng ilang INC members laban sa mga namamahala ng kanilang organisasyon.
Sangkot dito si INC Executive Minister Eduardo Manalo, ang ina nitong si Cristina “Tenny” Manalo, at kapatid na si Felix Nathaniel “Angel” Manalo.
Sa presscon, naitanong din kay Ka Edwil kung inaasahan ba nilang tatabo sa takilya ang “Felix Manalo”, “Lilinawin lang namin, hindi ginawa ang pelikula para kumita.
Hindi yun ang layunin ng INC.” Hindi rin daw nila inoobliga ang bawat INC member na manood ng pelikula. Kasabay nito, kinumpirma naman ng Viva Films producer na si Vincent del Rosario na umabot sa P150 million ang kabuuang budget sa paggawa ng “Felix Manalo.”
Mapapanood na ito sa mga sinehan simula Oct. 7, at magkakaroon ng premiere screening sa Philippine Arena sa Oct. 4.