Niratrat sa outpost; 2 militiaman patay, 1 sugatan

south cotobato
Dalawang militiaman ang nasawi habang isa pa ang nasugatan nang pagbabarilin ng kanilang kasamahan sa kanilang outpost sa Tampakan, South Cotabato, kamakalawa (Huwebes) ng gabi, ayon sa pulisya.

Nasawi sina Anthony Macul at Franklyn Deloria, kapwa miyembro ng Civilian Armed Auxiliary (CAA), sabi ni Chief Inspector Aldrin Gonzales, tagapagsalita ng Central Mindanao regional police.

Sugatan naman si Camelo Declaro, miyembro din ng CAA, at nagpapagaling sa ospital.

Naganap ang pamamaril dakong alas-9:40 sa CAA patrol base na nasa Brgy. Palo 19.

Pinagbabaril ni Tonton Aradasa, isa ring CAA member nanakatalaga sa naturang patrol base, sina Macul, Deloria, at Declaro habang nanonood ng telebisyon ang tatlo, ani Gonzales.

Isinugod sa ospital ang mga biktima, ngunit idineklarang patay ng mga doktor sina Macul at Deloria, aniya.

Pinaghahanap pa ng lokal na pulisya si Aradasa, na agad tumakas dala ang kanyang kalibre-.7.62 rifle matapos ang insidente, ani Gonzales.

Read more...