IPINASOK ang larong poomsae sa 46th Women’s National Collegieate Athletic Association (WNCAA) sa hangaring makatulong pa sa pagtuklas ng mga mahuhusay na lady athletes para sa pambansang koponan.
Ang poomsae ay isang event sa taekwondo at ilang beses nang may itinanghal na world champion sa nasabing event ang lahok ng Pilipinas.
“Ang pagkilos sa poomsae ay angkop sa mga kababaihan kaya nagdesisyon ang board na ipasok ito this year bilang isang demonstration sport pero next year ay magiging regular event na ito sa taekwondo,” wika ni Vivian Manila, executive director ng WNCAA, sa pulong pambalitaan kahapon sa nasabing paaralan.
Ang Philippine Women’s University (PWU) ang siyang tatayong host sa taong ito at 10 sports ang paglalabanan sa tatlong dibisyon na midgets, juniors at seniors.
Nasa 16 paaralan din ang kasali at ang mga sports na paglalabanan ay ang basketball, volleyball, futsal, badminton, swimming, table tennis, taekwondo, softball, tennis at cheerleading.
Sa mga events na ito ay hindi isasama sa seniors ang softball at tennis na gagawin lamang sa juniors division.
Ang liga ay magsisimula bukas sa Rizal Memorial Coliseum at may tatlong laro na masisilayan tampok ang tagisan ng host PWU at ang nagdedepensang kampeon sa seniors na Centro Escolar University (CEU) dakong alas-2:30 ng hapon.
Si Ada Milby, na kapatid ni actor-singer Sam Milby at kasapi ng Lady Volcanoes na nanalo ng bronze medal sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore, ang siyang panauhing pandangal sa opening ceremony.
Bukod sa basketball ay magsisimula na rin bukas ang aksyon sa volleyball sa St. Scholastica’s College habang ang futsal ay lalaruin na sa Linggo sa University of Asia and the Pacific.
Tumutulong para matiyak na magiging matagumpay uli ang natatanging tri-level na liga sa kababaihan ang Mikasa, Molten, Goody Fit, Converse at TV5.