PANOORIN ang mga lumang pelikulang Pilipino in full HD o high definition format sa gaganaping “REELive the Classics” film exhibition simula Aug. 26 hanggang Sept. 1 sa Rockwell Cinema 5.
Sa unang pagkakataon ay ipapalabas sa publiko sa loob ng isang linggo ang restored films ng ABS-CBN Film Restoration Project sa pakikipagtulungan sa Rockwell Cinemas.
“Natutuwa kami na nakikiisa ang Rockwell sa aming proyekto at ang espesyal na mga screening sa kanilang sinehan ay magbibigay pagkakataon sa mga manonood na ma-enjoy ang mga pelikula sa kung paano ito nakita ng mga may likha nito.
Sana simula pa lang ito ng marami pang exhibitions namin ng restored films,” sabi ni Leo Katigbak, head ng ABS-CBN Film Archives and Restoration.
Balikan ang pelikula tulad ng “Sarah Ang Munting Prinsesa” at “Got To Believe” na ipapalabas sa unang pagkakataon. Mapapanood din ang iba pang titulo tulad ng “Sana Maulit Muli,” “One More Chance,” “Oro Plata Mata,” “T-Bird at Ako,” “Karnal,” “Hindi Nahahati Ang Langit,” at “Tanging Yaman.”
Ilan sa mga award-winning directors ang present sa ginanap na presscon ng Sagip Pelikula project ng ABS-CBN na todo ang suporta sa nasabing proyekto, tulad nina Joey Reyes, Laurice Guillen, ang resident scriptwriter ng ABS-CBN na si Ricky Lee at ang veteran character actress na si Vangie Labalan.
Taong 2011 nang simulan ng ABS-CBN Film Restoration Project ang pagre-restore ng classic films para mapanatiling buhay ang cinematic history ng mga Pilipino.
Katuwang ang Central Digital Lab, ito ang pinakaunang restoration na ginawa mismo sa bansa.
Mahigit 100 titulo na ang nairestore ng ABS-CBN Film Restoration Project kung saan Ilan sa mga ito ay naipalabas na sa international film fests, naipa- labas sa bansa via red carpet premieres, naere sa free-to-air at cable television, natunghayan sa pay-per-view at video-on-demand, nabili sa DVD at na-download maging sa iTunes.
Para sa kumpletong schedule ng “REELive the Classic” at para sa karagdagang impormasyon sa advocacy project ng ABS-CBN, maaari kayong bumisita sa website na: sa https://www.facebook.com/filmrestorationabscbn.