HALOS araw-araw na lang ang laman ng balita ay tungkol sa nalalapit na halalan. At hindi magtatagal, haharap na sa taumbayan ang mga kandidato para ilatag ang kani-kanilang programa at plataporma, hanggang sila ay isa-isa nang hatulan sa Mayo 9, 2016.
Gustuhin man o hindi, magpapalit ang liderato ng bansa, at kung ito ba ay para sa pagpapa- tuloy ng “daang matuwid” o tuluyang pagbabago, ay tayong mga botante lamang ang makasasagot.
Kanya-kanya ang gagawin nating pagpili sa kung sino ang nais nating mamuno sa bansa. Maraming pangalan na ang lumutang at nagsimula na rin silang manligaw sa mga botante gayung hindi pa naman pormal na nagsisimula ang election season.
At dahil sadyang maagang nagsimula ang labanan para sa 2016 elections, marahil magandang simulan na rin nating mga botante ang paggawa ng sariling pamantayan sa kung sino nga ba ang dapat makakuha ng ating boto.
Ang gusto ba natin na pangulo ay iyong makapagbibigay ng kaunlaran, kapayapaan, pagkakaisa sa bansa? Harinawang ang susunod na uupo ay iyong may tunay na pagmamahal sa maliliit na mamamayang Pilipino.
Sana ang susunod na maging pangulo ay kayang ipaglaban ang interes ng mga manggagawa.
Iyong tatayo at maninindigan laban sa mapang-abusong contractualization; siya na mangunguna sa pagsusulong ng kapakanan ng mga arawang trabahador sa mga pabrika; at kayang garantiyahan na maiaangat ang kanilang sweldo at benepisyo.
Sana ang susunod na maging pangulo ay may tunay na pagmamahal sa kabataan na magsusulong ng kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng pagtiyak ng kanilang edukasyon. Sana ang susunod na tatao sa Palasyo ng Malacanang ay may tapang at lakas ng loob na harapin ang mga may-ari ng mga paaralan para tutulan ang taun-taong pagtaas ng tuition.
Sana ang susunod na maging pangulo ay may tunay na malasakit sa mahihirap – yung tutugon sa walang kamatayang problema ng squatters, palaboy sa lansangan, at makapagbibigay ng maayos at murang programang pabahay.
Sana ang susunod na maging pangulo ay may abilidad at pamamaraan na mapigilan ang walang habas na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin; kayang labanan ang hindi makataru-ngang pagtaas ng singil sa kuryente, tubig, singil sa bahay, kaalinsabay ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sana ang susunod na maging pangulo ay may kakayanang tapusin ang mala-impiyernong problema sa trapiko, ang mise- rableng kondisyon at kalagayan ng mass transport system sa bansa na nagdudulot ng araw-araw na kalbaryo sa daang libong mga commuter.
Sana ang susunod na pangulo ay may kakayanang ayusin at
bigyang solusyon ang problema ng flash flood, basura, pagkasira ng mga natural resources.
Sana ang susunod na pangulo ay kayang tugunan ang palaki nang palaki na problema sa droga na sanhi ng pataas na pataas na bilang ng krimen.
Sana ang susunod na pangulo ay hindi rin benggador at hindi parating naninisi; walang kinikili- ngan at parehas ang pagtingin sa kanyang mga pinamumunuan.
Sana ang susunod na pangulo ay tunay na mapatupad ang paglaban sa korapsyon at kaya itong ipatupad di lang sa kanyang mga kalaban sa pulitika kundi sa mga kakampi na nakagawa ng kasalanan.
Sa mga pangalang nagluluta- ngan ngayon na nag-aambisyong maluklok sa Malacanang, meron nga ba sa kanila ang makatutugon sa mga pamantayang ito? Sana lang, sana…