MARAMI at napakalaki ng pakinabang sa makabagong teknolohiya!
Kapag walang gadget na dala ang isang tao, pakiwari nito ay hubad siya o may kulang sa kanya.
Kapag walang connection o internet, animo itinapon ito sa malayong isla at wala nang magawa.
Ganyan ka-dependent ang tao ngayon sa makabagong teknolohiya. Maraming pakinabang ngunit marami din ang nag-aabuso nito. Maraming anyo ng maling paggamit nito hanggang sa panloloko sa kapwa.
Itinuturing nga ito bilang pinakamabilis na uri ng komunikasyon.
Luhaang lumapit sa Bantay OCW ang isang maybahay ng OFW matapos makumpirma nito ang pagtataksil ng kabiyak nang makita niya ang malalaswang larawan at video sa mobile phone nito.
Ayon sa kwento ni “Agnes,” nagtatrabaho sa Jeddah ang kanyang asawa at kamakailan ay umuwi ito ng bansa upang magbakasyon.
Halos gumuho umano ang mundo niya nang makita ang mga malalaswang kuha nito kasama ang kanyang “kabit”.
Lalong nagalit si Agnes nang mabasa ang mga text messages na nagpapadala pa pala ng pera ang asawa sa naturang babae.
Hindi na nga nakapagpigil si Agnes kung kaya’t sinubukan niyang tawagan ang numerong nagtetext umano sa kanyang mister. Ngunit mas matapang at palaban ang babaeng sumagot sa kanya at sinabing matanda na kasi siya kaya pinalitan na raw umano siya ng mister niya.
Agad kinumpronta ni Agnes ang asawa ngunit mabilis namang itinanggi nito ang bintang ni misis. Sa pagnanais na pigilan ang asawa na huwag nang makabalik sa abroad, itinago nito ang cellphone at passport ng mister.
Hanap naman nang hanap ang mister na maligalig. Sa pag-aakalang kung saan niya naiwan ang passport at mobile phone nito, kaagad siyang kumuha ng panibagong passport at bumili ng bagong telepono.
Wala namang magawa si misis kundi ang pagtiisan ang asawang manloloko. Sa halip na makipaghiwalay, lulunukin na lang aniya ang pride at sakit na nararamdaman, basta’t huwag lamang nitong ihinto ang pinansiyal na suporta sa kaniya at dalawang anak.
Nagmamaang-maangan na lamang si misis na kunwari ay walang alam sa pagkawala ng cellpone at passport ng asawa.
Kagaya ni Agnes, naghihinagpis namang lumapit sa Bantay OCW ang isa pang maybahay nang hindi na rin mahagilap ang kanyang mister na nasa Dubai. Ngunit hindi ito ang unang pagkakataon.
Nahuli rin niya sa mobile phone ni mister ang mga love messages nito sa ibang babae, at mayrooon na palang kinakasama ang kanyang mister sa abroad. At ang mas matindi pa, natuklasan niyang may mga anak na rin ang kanyang asawa sa babaeng iyon. Matagal na pala siyang niloloko ni mister.
Sinubukan namang kunin ng Bantay OCW ang panig ni mister ngunit hindi ito sumasagot sa aming mga tawag. Mga panloloko ng mga mister, nag level-up na rin!