Nagpakatotoo lang si Senadora Grace Poe Llamanzares sa pagsasabi kay DILG Secretary Mar Roxas na habang nililigawan siya ng partido Liberal na tumakbo bilang kahawak-kamay ng kanilang pambato sa darating na halalan ay binibira naman siya ng ibang miyembro ng partido.
Totoo ang sinabi ng senadora, usung-uso ang tarakan nang patalikod sa mundo ng pulitika, nakangiti lang sila sa harap-harapan pero oras na nakatalikod na ang kanilang kasamahan ay umaatake na ang matatabil nilang dila sa paninira.
Dapat lang magsalita na si Senadora Grace Poe tungkol sa mga nagaganap sa palibot ng partidong nang-iimbita sa kanya para tumakbong vice-president.
Nililigawan siya, pero sinisiraan naman, ano nga naman ‘yun? Labas na sa pilian ngayon si Governor Vilma Santos-Recto. Nagsalita na nang tapos ang Star For All Seasons.
Wala itong kinalaman sa mga kuwentong inilalabas ng Liberal Party na interesado itong tumakbo dahil kahit sa kanyang panaginip lang ay walang-walang interes ang aktres-pulitiko para makipag-agawan sa mas mataas na posisyon.
Nakakaloka! Nililigaw-ligawan pa kunwari si Senadora Grace Poe, pero saan ka, sa kanilang bakuran din naman nanggaga- ling ang mga paninira sa babaeng iniimbitahan nilang makasama sa kampanya?
Ibang klase nga naman ang mundo ng pulitika. Kakampi mo sa harapan, pero sa talikuran, pailalim mo naman palang kalaban.
Kaya tama lang na harap-harapan nang naglitanya si Senadora Poe, ganu’n ang tamang labanan, hindi talikuran.