MARAMING naloka sa sinabi ni Ariel Rivera na kasama sa seryeng Doble Kara bilang adoptive father ni Julia Montes – wala raw kasi siyang social media account at hindi rin niya pinapanood ang mga show niya.
“I don’t watch my teleserye, I don’t watch TV kasi,” sabi ng aktor. Tinanong namin si Ariel pagkatapos ng presscon proper kung bakit parang walang pakialam ang attitude niya.
“Hindi naman sa walang pakialam, alam ko na ‘yung ginawa ko, e, bakit ko pa papanoorin? Alam ko na ‘yung istorya, bakit ko papanoorin?” napangiting sagot sa amin ng magaling na aktor.
“I find kasi na if I watch myself, I become critical tapos masyado akong nagiging technical, hindi dapat technical ang actor, that’s my opinion, e, masyadong technical na, magiging aral na ‘yung kilos, ayoko ng ganu’n,” katwiran ulit ni Ariel.
Sabi pa ng mister ni Gelli de Belen, “Saka nakakaasiwang panoorin ‘yung sarili ko.” Inamin din ni Ariel na may mga naririnig din daw siyang feedback sa kanyang akting, “Yung mga mababait, I guess, yeah.”
Inamin ng aktor na one at a time lang daw kung gumawa siya ng project, “Mahirap pagsabayin ang soap at concerts, may mga offers, pero hindi kaya kasi ito (Doble Kara), we tape four times a week.”
Kapag wala sa harap ng TV camera si Ariel ay abala naman daw siya sa construction business niya.
“I run a construction company and I’m busy with that, the Domino’z Pizza matagal ng wala ‘yun, ang lease no’n I think 10 years, after 10 years wala na, hindi na namin ni-renew,” kuwento ng aktor.
Nabanggit namin kay Ariel na noong kapanahunan niya ay naranasan din niyang magsara ang malls kapag may mall show siya at maging sa mga out of town concert ay dinudumog talaga siya.
Kaya tinanong namin siya kung ano naman ang masasabi niya ngayon kina Daniel Padilla, Enrique Gil at iba pang young stars na kapag nagso-show ay nagsasara ang malls dahil sa dami ng tao, “Well, it’s good, kasi for some reasons, nasira tayo ng Internet ‘yung music natin so which is unfortunate.
“Buti na lang si Ogie Alcasid did a great job with OPM, pero ‘yun ang panahon natin ngayon, nasa digital na, so mabuti na rin na there’s people like Daniel Padilla na who are still reviving the people’s…yung pulso ng tao sa masa, buti na rin may ganu’n pa,” sabi ng morenong aktor.
Hindi ba nasasabi ni Ariel sa sarili na, “I’ve been there” sa kainitan ngayon nina Daniel at iba pa, “Oh no, I’m proud that they’re doing that, sila ang nagpapabuhay sa industriya natin.”
Ano naman ang komento ng Doble Kara actor sa komentong mas bumebenta ang album ng non-singers na nagli-lipsync kaysa sa legitimate singers.
“Hindi ko alam ‘yun, but in defense to them (non-singers), pati naman ‘yung mga big stars sa US nagli-lipsync sila, plus one lipsync, marami silang ganu’n,” sabi ng aktor.
Nagawa na bang mag-lipsync ni Ariel sa entire singing career niya? “Never akong nag-lipsync, sa TV lang, kasi minsan kailangan sa TV, pero sa concert, for me ha, if you’re a concert artist, hindi ka dapat nagli-lipsync kasi you are there to sing live, eh. That’s my opinion, kanya-kanya lang.”
In fairness naman to Ariel ay talagang hindi pa namin siya nakitang nag-lipsync simula nu’ng magsimula ang career niya bossing Ervin.