Kano, misis natagpuang patay sa balon sa Negros Occidental


Natagpuang patay ang isang American national at ang kanyang misis sa loob ng isang balon sa Murcia, Negros Occidental, ayon sa pulisya.

Unang natagpuan ang bangkay ng 58-anyos na Amerikanong si Kevin Fleischauer sa balon na nasa Villa Emmanuel, Brgy. Blumentritt, pasado alas-8 ng gabi Linggo, ayon sa ulat ng Negros Occidental provincial police.

Kahapon (Lunes) ng hapon ay natagpuan din sa balon ang bangkay ng misis ng banyaga na si Lolly Mangilaya-Fleischauer, at naiahon ang dalawa matapos malimas ang tubig, sabi naman ni Senior Superintendent Samuel Nacion, direktor ng provincial police, nang kapanayamin sa telepono.

Nadiskubre ang mga bangkay nang hanapin ng mga pulis ang mag-asawang Fleischauer matapos humingi ng saklolo ang ilan nilang kasamahan sa simbahan, ayon kay Nacion.

“Kahapon (Linggo) lang ito nai-report pero ilang days na silang missing… Hinanap ng mga pulis natin kasi kasi humingi ng assistance ang mga kasamahan nila sa simbahan, mga five days na daw silang nawawala,” anang police official.

Sa police report, sinasabi na alas-5:40 ng hapon Linggo ay nakatanggap ang Murcia Police ng ulat na may naganap na pagnanakaw sa bahay ng mga Fleischauer.

Nang magtungo sa lugar ay inabutan doon ang ilang miyembro ng Open Door Baptist Church, kasama si Pastor Nelson Cunanap, na naghahanap sa mag-asawa, ayon sa ulat.

Napansin ng mga pulis na sira ang main door ng bahay ng mga Fleischauer at bukas ang pinto ng silid ng mag-asawa bagamat walang tao. Nakaparada pa sa bahay ang Toyota Adventure ng mag-asawa.

Alas-8:05 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ni Kevin sa 20-talampakang lalim na balon, na 30 metro lang ang layo sa bahay, ayon sa ulat.

Natagpuan naman ang bangkay ni Lolly alas-4 ng hapon Lunes matapos malimas ang tubig sa balon, ani Nacion.

Naniniwala aniya ang pulisya na hindi basta aksidenteng nahulog ang mag-asawa sa balon.

“May foul play talaga dahil tinakpan ang balon pagkatapos sila ihulog,” ani Nacion.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan at motibo ng mga salarin, aniya.

Read more...