NASA 90% ang audience sa concert na “Erik Santos And Angeline Quinto at the Araneta (King and Queen of Themesongs)” noong Sabado ng gabi
Ang ganda ng show dahil timeless ang mga kinanta ng rumored couple na binago lahat ang areglo ng musical director na si Homer Flores. Pawang kantahan lang ito at walang sayawan at effects tulad ng sa ibang concerts.
Nagustuhan namin ang di- senyo ng entablado, simple lang pero alam mong mahal dahil ang anim na LED monitor ang nagsilbing buhay sa bawa’t awit na kinakanta nina Erik at Angeline na napapanood sa background.
Maski yung mga nasa bleacher at gilid ng Big Dome ay kitang-kita ang dalawa dahil sa dalawang monitor sa kaliwa’t kanan bukod pa sa monitor nito sa itaas.
Ang Reyna ng themesong ang unang lumabas sa stage at kinanta ang “What I Did For Love”, “A House is Not A Home”, “All of My Life”, “Till I Met You” at “Somewhere.”
Sinundan ng Himig Handog medley na “Hanggang”, “Anong Nangyari sa Ating Dalawa” at “Hindi na Bale.” Kinanta rin ng dalaga ang “Chandelier”, “Love Takes Time”, “Where Do Broken Hearts Go” at “My Heart Will Go On.”
Nakita ni Angeline si Coco Martin sa audience at pinilit niyang paakyatin ito sa entablado at personal na pinasalamatan dahil ang aktor ang una niyang naging lea- ding man kaya nagkaroon siya ng showbiz career bukod sa singing career.
Nakakaloka lang si Angeline, kung anu-ano ang pinagsasabi sa stage sabay pinababa na ang bida ng FPJ’s Ang Probinsiyano na hindi man lang pinabati sa audience.
Feeling namin sa sobrang nerbyos ng dalaga dahil nasa backstage lang si Erik Santos na sinasabing boyfriend na niya ay nalimutan niyang pagsalitain si Coco.
Anyway, ang sumunod na kinanta ni Angeline ay ang “Over The Rainbow” dahil inaalay daw niya ito sa kanyang tatay na dalawang taon nang namamatay dahil pangarap daw nitong mapanood ang anak na mag-concert sa Araneta.
“Sa first concert ko po sa SkyDome, (napuno), tuwang-tuwa ang papa ko, sabi niya, kailan naman daw ako magko-concert sa Araneta, e, heto na nga po, sayang hindi na niya nakita,” sabi ng dalaga.
Ang sumunod na nag-perform ay ang Hari ng themesongs na si Erik sa awiting “Corner of the Sky” at “Defying Gravity” na sinundan ng medley ng “All of Me”, “Thinking Out Loud” at “Stay With Me.”
Naging interesado raw si Erik sa mga pelikulang Tagalog nang makahiligan ng lola niyang manood ng mga lumang pelikula at napakinggan niyang ang gaganda pala ng themesongs.
Pawang mga awitin ni Basil Valdez ang usong ginagawang themesong noon ng mga pelikula tulad ng “Gaano Kadalas ang Minsan”, “Hanggang Sa Dulo ng Walang Hanggan”, “Paano Ba Ang Mangarap”, “Kung Ako’y Iiwan Mo”, “Paraisong Parisukat”, “Kastilyong Buhangin”, “Ngayon at Kailanman” at “Ngayon.”
May spot number din si Erik kasama ang ilang sumali rin sa singing contests tulad nina Thor, Brenan, Gayle at Suy sa awiting “Pagbigyang Muli” in acapella.
At habang kumakanta si Erik ng “Flashlight” ni Jessy J mula sa pelikulang “Pitch Perfect 2” ay sabay-sabay namang itinaas ng mga tao sa Big Dome ang cellphone habang nakailaw ito at ang ganda ng effect na ipinakita sa malaking monitor kaya naman sobrang touch ang binatang singer dahil ang ganda-ganda raw tingnan.
Nag-enjoy kami sa mga awi- ting masasabing timeless classics ng nag-duet sina Erik at Angeline, tulad ng Ikaw Lamang, Iisa Pa Lamang, Saan Darating Ang Umaga, Kunin Mo Na Ang Lahat Sa Akin, Lupa Man ay Langit Na Rin, Hanggang Kailan Kita Mamahalin, Maging Sino Ka Man, Sana Bukas Pa Ang Kahapon, May Bukas Pa at Muling Buksan Ang Puso habang ipinakikita ang mga seryeng pinagbidahan nina Coco Martin, Maja Salvador, Enrique Gil, Enchong Dee, Julia Montes, Gerald Anderson, Zaijian Jaranilla, Marco Masa, Jericho Rosales, Angel Locsin, Kim Chiu Xian Lim, Sam Milby, Anne Curtis, Bea Alonzo at John Lloyd Cruz.
Sobrang na-miss siguro ng mga tao ang mga nabanggit na awitin dahil tahimik silang nakikinig at pagkatapos ay saka sila naghiyawan.
Throwback ang production number na iyon dahil naririnig lang namin sng mga kinanta nina Erik at Angeline sa shows nina Martin Nievera, Pops Fernandez, Gary Valenciano, Zsa Zsa Padilla, Lani Misalucha at Regine Velasquez.
Bagama’t English songs ang sumunod na spot number nina Erik at Angeline tulad ng Can’t We Try, What Do You Mean To Each Other, Never Gonna Let You Go, Just You and I at Never Gonna Give You Up ay refreshing pa rin ang dating dahil bihira na naming marinig ito sa mga nagko-concert ngayon.
Isa pang nagustuhan ng mga nanood ay ang Barry Manilow medley nina Erik at Angeline kasama sina Regine Velasquez-Alcasid at Martin Nievera tulad ng I Write The Songs, As Sure As I’m standing, The Old Songs, Somewhere Down The Road, Weekend In New England, Ready To Take A Chance Again, Even Now, This One’s For You, Looks Like We Made It, Make It Throught The Rain at One Voice.
Masaya kami para kay Angeline dahil isa siyang Regine Velasquez fan, pero heto at guest na niya sa show nila ni Erik at kasama na niyang bumibirit sa Araneta Coliseum. Dream come true talaga ito para sa dalaga.
At habang nagbibihis sina Erik at Angeline ay nag-duet naman sina Regine at Martin ng Ikaw na orihinal na kinanta ni Ariel Rivera at naging titulo ng pelikula nila ni Sharon Cuneta sa Viva Films noong 1993.
Kinanta rin nila ang This I Promise You na pinaniniwalaang theme song ng dalawa. Ang closing songs nila ay ang mga winning piece nila sa mga sinalihan nilang talent search – ang This Is The Moment ni Erik para sa Star In A Million at ang Patuloy Ang Pangarap ni Angeline para sa Star Power.
Star-studded ang concert dahil pawang malalaking artista ang nanood sa pangunguna nina Vice Ganda, Angelica Panganiban, Richard Yap, Coco Martin at iba pa.