Quantcast

Showbiz

You are here: Home > Balita > Showbiz

 

Tito Sotto, Lito Lapid naawa kay Lala Montelibano

Tito Sotto, Lito Lapid naawa kay Lala Montelibano

ISANG punumpuno ng luhang hapon ang ibinigay ng dating sexy star na si Lala Montelibano sa Paparazzi nu’ng nakaraang Linggo. Pagkatapos nang mahigit na tatlong dekada kasi ay nagtagpo na sila ng kanyang tunay na ama, ang Amerikanong si G. Edwin Buzzard, na ngayon ay nakaratay na sa sakit sa baga.

Pag-alala ni Lala, “Noon, kapag tinatanong ko ang nanay ko kung sino ang tunay kong ama, minumura pa niya ako, ‘Tingnan mo na lang ang mukha mo sa salamin, ‘yan ang itsura ng tatay mo!’ ang tanging isinasagot niya sa akin.

“Matagal ko nang gustong makita ang tatay ko dahil hindi kumpleto ang buhay ko. Natural lang sa bata ang magtanong kung sino ang tatay niya, pero sa kaso ko, wala talagang sinasabing kahit ano ang nanay ko.

“Nu’ng minsan nga, habang wala si nanay sa bahay, e, binuklat ko ang mga kagamitan niya. Alam mo ‘yung feeling na baka meron akong makitang picture du’n ng isang taong hinahanap ko.

“Pero wala talaga, kahit picture lang, walang naitatago ang nanay ko, kaya ginawa ko talaga ang lahat ng paraan para matunton ko kung nasaan siya,” simulang kuwento ng maganda pa ring si Lala Montelibano sa kabila ng paglusog ng kanyang katawan na pinagpistahan noon ng mga kalalakihan.

May impormasyong nakarating kay Lala, kasama ang staff at crew ng Paparazzi ay pinuntahan nila ang lugar kung saan nandu’n daw ang kanyang ama, pero sa una nilang pagtatangka ay hinarangan silang magkitang mag-ama.

Hindi sumuko si Lala, nagpunta pa rin siya du’n sa ikalawang pagkakataon, hanggang sa makaharap niya na nga ang isang payat na payat na at nanghihinang si G. Edwin Buzzard.

Nakakakilabot ang eksena ng pagkatok ni Lala at ng aming segment producer na si Doods, “Tao po, tao po, may itatanong lang po kami,” nakaguhit sa mukha ni Lala Montelibano ang pag-aalala.

Sa isang bahagi ng giray-giray na bahay ay nakahiga ang isang lalaking hinang-hina na, payat na payat, parang naghihintay na lang ng kanyang takdang oras ang lalaki.

Paluhod na kinausap ni Lala ang lalaki, nagpakilala siya, lumuluhang sabi ni Lala, “Tatay, ako po si Beth, ang anak n’yo.” Isang eksena ‘yun na nagbigay ng marka sa manonood, nakiiyak kay Lala ang mga nakasaksi sa naturang tagpo, puro pagpapahid lang ng luha ang makikita mo sa paligid ng studio.

Nakiiyak kami kay Lala Montelibano, pero bumigay kami nu’ng nagpapaalaman na silang mag-ama, “Tay, tingnan n’yo po ako, babalik ako,” umiiyak na sabi ng dating sexy star sa kanyang ama.

“Huwag mo lang sanang tagalan,” sabi naman ng kanyang ama. ‘Yun lang at nakarinig na kami ng mga paghikbi, nang tingnan namin si Lala ay hilam na hilam na siya sa luha, awang-awa siya sa kanyang tatay.

Napakabilis dumating ng mga sagot, pagkatapos ng pagpapalabas ng interbyu namin kay Lala Montelibano ay nagpahatid agad ng interes na makatulong sa kanya si Senador Lito Lapid, tumawag din sa amin ang mag-asawang Senador Tito Sotto at Helen Gamboa, at ang programang Alagang Kapatid naman si Cheryl Cosim ay tutulong sa pagpapagamot ni Mr. Edwin Buzzard.

Nu’n namin narinig ang pinakamasakit na hikbi ni Lala Montelibano, sa panahon nga naman kasi ng pagkalunod ay may mga naghagis ng salbabidang may hangin sa kanya, “Thank you Lord” lang ang kanyang nasabi nang malaman na may makakatulong na siya sa pagpapagamot sa kanyang ama.

Ang kanyang mga anak ay naiwan sa dati niyang nakarelasyong doktor sa Davao City, gusto man niyang makasama ang mga bata ay wala siyang magawa, dahil hindi niya kayang tustusan ang pagpapalaki sa mga ito.

Caregiver siya ngayon, nagtapos siya ng Nursing, pero hindi pa siya nakakukuha ng board exam. Pansamantala siyang nakikitira sa kanyang tiyahin sa Dagupan, lumuluwas lang siya kapag kailangan, gustung-gusto niyang makabalik sa pag-aartista para makuha na sana niya ang kanyang mga anak at maituluy-tuloy ang pagpapagamot sa kanyang ama.

Maganda pa rin si Lala Montelibano, kitang-kita pa rin sa kanyang itsura ang kagandahang pinagpistahan noon ng mga kalalakihan, kumukupas lang talaga ang ganda pero hindi kailanman nawawala.

Share

Related Stories

Other Stories

Bandera

Basahin ang kumpletong balita at maiinit na chika sa Bandera. Para sa mga taga-Metro Manila, maaari kayong bumili o mag-subscribe sa Bandera. Tumawag lamang sa 8902351.

Back to top ^

Article Services

  • Reprint
  • Print
  • Send as E-mail
  • Feedback
  • Comment
  • Share
 

Hottest Tags