Mag-asawa, pamangkin pinatay, ninakawan sa Kabacan, North Cotobato | Bandera

Mag-asawa, pamangkin pinatay, ninakawan sa Kabacan, North Cotobato

John Roson |July 13,2015
facebook
share this

Mag-asawa, pamangkin pinatay, ninakawan sa Kabacan, North Cotobato

John Roson - July 13, 2015 - 02:46 PM

kabacan
Natagpuang patay ang mag-asawa at pamangkin nilang babae sa loob ng kanilang bahay sa Kabacan, North Cotabato, kamakalawa (Linggo) matapos barilin at pagnakawan ng mga di pa kilalang salarin, ayon sa pulisya.

Ikinasawi ng magsasakang si Roger Gracia, 47; Milcha Gracia, 49; at Danny Anne Gracia, 14, ang mga tama ng bala sa batok, sabi ni Superintendent Bernard Tayong, tagapagsalita ng North Cotabato provincial police.

Si Danny Anne, isang 4th Year high school student, ay pamangkin nina Roger at Milcha, at doon sa bahay ng mag-asawa nakatira, sabi ni PO2 Philip Genove, imbestigador na may hawak sa kaso, nang kapanayamin sa telepono.

Lumabas sa imbestigasyon na Sabado ng gabi nang barilin ang tatlo sa kanilang bahay sa Purok Pag-Asa, Brgy. Aringay.

Nakadinig ang mga kapitbahay ng mga putok ng baril mula sa bahay ng mga Gracia nang gabing iyon, ngunit di ito pinansin, hanggang sa matagpuan ng mga pulis ang bangkay ng mga biktima Linggo ng umaga, sabi ni Genove sa kanyang ulat.

Bago iyo’y hiniling ng barangay chairman ng Aringay sa pulisya na silipin ang bahay ng mga Gracia Linggo ng umaga, dahil may kakaiba umanong nangyari doon, anang pulis.

Binaril ng mga salarin ang mga Gracia gamit ang kalibre-.45 pistola, at maaaring gumamit din ng M16 rifle, dahil may mga natagpuang mga basyo at slug ng ganoong uri ng armas sa crime scene, ani Tayong.

Tinangay ng mga salarin ang isang digital electric stove, portable chain saw, desktop computer, dalawang handheld radio, isang air compressor, tablet computer, tatlong cellphone, mga alahas, at di pa mabatid na halaga ng pera sa bahay, aniya.

Kinuha din ng mga salarin ang Kia Avilla sedan (MCY-220) ng mga Gracia at ginamit ito bilang getaway vehicle, ani Tayong.

Inaalam pa ng lokal na pulisya ang pagkakakilanlan ng mga salarin, aniya.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending