Pati hayop pinakikialaman | Bandera

Pati hayop pinakikialaman

Bella Cariaso |April 19,2015
facebook
share this

Pati hayop pinakikialaman

Bella Cariaso - April 19, 2015 - 12:00 AM

NAUUBUSAN na ba ng maaaring gawin ang mga opisyal ng Quezon City kaya’t pati ang pag-aalaga ng mga alagang hayop ng mga residente ng lungsod ay nais nilang limitahan?

Maraming umalma sa pagpapalabas ng QC Ordinance 2386 na kung saan hanggang apat na mga hayop na lamang ang maaaring alagaan sa lungsod.

Sino ba naman ang hindi aalma sa ordinansa ng Quezon City, hindi naman kasi problema kung ilan ang maaaring alagaan ng isang mahilig sa mga hayop, basta kaya naman at hindi napababayaan ang mga ito.

Nag-iikot kaya sa kanilang nasasakupan ang mga opisyal ng QC at hindi nakikita ang totoong problema sa lungsod?

Hindi kasi kailangan ng bagong ordinansa sa lungsod para sa tamang pag-aalaga ng mga hayop.

Ang dapat gawin ng Quezon City ay seryosong ipatupad ang mga pagala-galang mga hayop sa lungsod lalu na ang mga aso.

Kung iikot lamang ang mga councilor, si Vice Mayor Joy Belmonte, at maging si Mayor Herbert Bautista, hindi sila mabibigong makakita ng mga pangalat-kalat na mga askal o asong kalye.

Pagbaba mo lamang sa LRT sa Balintawak, may mga aso nang makikita sa kalsada.

Hindi bababa sa limang aso ang makikita mong nasa kalsada. Ito’y sa kabila naman ng banta ng nakakamatay na rabies.

Minsan nang nagkaroon ng kampanya ang lungsod laban sa mga asong pagala-gala pero ningas-kugon lamang ito at ngayon ay talagang nagkalat ang mga aso.

Hindi ba dapat ay mahigpit na ipatupad na lamang ng lokal na pamahalaan na bawal ang pagala-galang mga alagang hayop sa kalsada at bukod pa rito, mahigpit ding magkaroon ng kampanya para mabakunahan ang lahat ng mga alagang aso at maging pusa para matiyak na walang taglay ang mga ito na rabies.

Kung wala nang maisip na bagong batas ang lokal na pamahalaan ng Quezon City, isa-isahin na lamang ipatupad ang mga ordinansang hindi naman nabibigyan ng pansin.

Hindi ba’t naging kontrobersiyal din ang Quezon City matapos balakin na singilin ang mga residente sa pagtatapon ng basura?

Marami lamang umalma rito kayat hindi naipatupad. Paano nga naman, nagbabayad ka na ng buwis, nais ka pang singilin kapag nangongolekta ng basura samantalang parte ito ng serbisyo ng sino mang lokal na pamahalaan.

Malapit na rin ang eleksyon sa 2016, baka gusto lamang din na maging kontrobersiyal ng mga opisyal ng Quezon City. Naniniwala siguro ang mga pasimuno ng ordinansang ito na positibo o negatibo mang balita ay publisidad pa rin para sa kanila.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sana lamang maging wais ang mga botante at tignan kung sino ba talaga ang nakakapaglingkod sa kanila. Kilala pa naman ang lungsod sa sobrang napakahigpit sa paniningil ng buwis. Dapat lamang na maibalik sa tao ang serbisyo at ang buwis na binabayaran ng mga taxpayer.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending