Manny, Floyd magkikita Marso 11 | Bandera

Manny, Floyd magkikita Marso 11

Mike Lee |March 04,2015
facebook
share this

Manny, Floyd magkikita Marso 11

Mike Lee - March 04, 2015 - 02:37 PM

manny pacquiao
MAGHAHARAP sina Manny Pacqiuao at Floyd Mayweather Jr. sa Marso 11 sa Los Angeles, California  para sa isang press conference patungkol sa kanilang sagupaan na itinakda sa Mayo 2 sa MGM Grand, Las Vegas, Nevada.

Tutukuyin pa ng organizer ang venue na paggaganapan ng press conference na hindi bukas sa publiko. Sa diskarte para manatili ang pananabik ng mga boxing fans,  dalawang beses lamang magkikita sina Pacquiao at Mayweather sa presscon.

Ang isa pang presscon ay gaganapin sa Las Vegas ilang linggo bago maganap ang tagisan. Dahil inaasahan ding maraming mamamahayag ang pupunta kaya’t kailangan ding magpa-accredite ang mga mamamahayag na gustong makinig sa mga sasabihin ng dalawang tinitingalang boxers sa kapanahunang ito.

Maghaharap ang dalawa sa welterweight division at itataya ni Pacquiao ang kanyang WBO title at isusugal naman ni Mayweather ang kanyang korona sa  WBC at WBA.

Nasa Wild Card gym na si Pacquiao para simulan ang pagsasanay bagamat  ang assistant Filipino trainer Marvin Somodio at conditioning coach Justin Fortune ang mga mangangasiwa muna sa paghahanda dahil si Freddie Roach ay nasa Macau pa para gabayan si Zou Shiming ng China sa kanyang laban kontra Amnat Ruenroeng ng Thailand.

Hindi naman nagpapahuli si Mayweather na nagbukas na rin ng kanyang training camp. Sinabi ni Mayweather na itinuturing niya na ordinaryong laban lamang ang pagtutuos kay Pacquiao ngunit kakaiba ang kanyang kinikilos dahil bukod sa maaga ang kanyang paghahanda, pinalakas din niya ang mga tutulong sa kanya.

Ang ama na si Floyd Mayweather Sr. at tiyuning si Roger Mayweather ang tutulong sa pagsasanay sa kanya habang si Alex Ariza, na dating nasa kampo ni Pacquiao, ang kanya pa ring strength and conditioning coach.

Kinumpleto ni Mayweather ang staff sa pagkuha uli sa serbisyo ni Mexican cutman Rafael Garcia na binitiwan nito noong nakaraang taon.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending