Pagtaas ng tax exemption sa Xmas bonus bola lang | Bandera

Pagtaas ng tax exemption sa Xmas bonus bola lang

Jake Maderazo |November 24,2014
facebook
share this

Pagtaas ng tax exemption sa Xmas bonus bola lang

Jake Maderazo - November 24, 2014 - 03:00 AM

LUMITAW din ang totoo na bola lang ang pangakong itataas ng gobyernong Tuwid na Daan  sa P72,000 o P80,000 ang kasalukuyang P30,000 ang maaaring ma-exempt sa sa tax sa Christmas Bonus ng mga empleyado.
Isang buwan na lamang bago magpasko, at tiyak na sisimangot na naman ang mahigit 1.2 milyong empleyado na tatanggap ng kanilang 13th month pay, Christmas bonus at cash gift mula sa kanilang employers dahil sa kaltas ng 32 porsyento.
Sabi ng Malakanyang, next year na raw at hindi ngayong Pasko maipatutupad ang panukalang amyendahan ang RA 7833.  Dalawampung taon na po nang naisabatas nito kung kailan ang minimum wage noon ay P145  kada araw kumpara ngayon na P466 o higit tatlong doble na.  At kung itataya ang sweldo ng mga hindi minimum wage workers, ang mga sumusweldo noon ng P15,000 bawat buwan ay sumasahod na ngayon ng P30,000-40,000  kaya naman sobrang sakit sa badyet ang 32% tax sa bonus.
Kung nagkatotoo lang ang pangakong tax exemption, lalakas sana ang “purchasing power” ng mga empleyado ngayong Pasko, at dito nga, maibabalik din ang buwis sa gobyerno sa pamamagitan ng kanilang 12% value added tax sa mga bilihin.
Sabi nga  ng isang kongresista, mawawalan ang gobyerno ng P1.2B pero makakabawi ng P550M  sa consumer taxes.
Meron pa naman panahon para mangyari ang exemption na ito, kung  gugustuhin lang talaga ni PNoy.  Pasado na sa Mababang kapulungan at aprubado na rin sa second reading sa Senado  ang nasabing panukala at ang kailangan lang ay utusan ni PNoy ang kanyang financial cluster cabinet na huwag na itong harangin.
Pero sa takbo ng mga pangyayari, milagro na lang ang magpapabago sa isip ng Malacanang.
Sa totoo lang, hindi naman talaga kailangang magpanukala pa ng batas para taasan ang tax exemptions sa mga bonus at cash gift. Nong panahon ni dating Pangulong Ramos o noong 1994, isang revenue memorandum circular lamang ng BIR o ng Finance Secretary ang inilabas at naipatupad ang mas malaking bawas buwis sa mga bonus, cash gift at 13th month pay.
Dahil kontra ang financial advisers ng Malakanyang, napipilitan ang mga mambabatas na idaan ito sa panukalang batas bilang tugon sa mga reklamo ng taumbayan tuwing Kapaskuhan. Isang malaking “tsubibo”  at panloloko ang ginawa sa tao.
Isipin ninyo, 20 taon na tayong nagrereklamo pero hindi gumagalaw o wala yatang pakiramdam itong mga namumuno diyan sa Department of Finance.
Sa ngayon, umaasa pa rin ako na magigising ang pangulo sa mga reklamo ng taumbayan sa napakataas na 32% na kaltas sa ating mga bonus ngayong Pasko.  Mr. President, ang bonus o cash gift po ay isang “reward” o gantimpala ng mga employer sa  ipinakitang “loyalty”,katapatan at sipag ng mga manggagawa sa isang buong taon.
Bakit gusto pang pumarte at mistulang holdaper ang gobyerno sa minsanang reward na tatanggapin ng taumbayan?
Simple lang po, Mr. President, ang solusyon, utusan mo si Finance Secretary Cesar Purisima na mag-isyu ng revenue memorandum circular na nagtataas ng tax exemption sa bonus ng mga empleado agad agad at huwag nang hintayin ang pagsasabatas nito.
Naniniwala akong gagawin niyo ito dahil kayo po ay makatao. Gagawin niyo ito, dahil sa tuwid na daan, hindi pupwede ang mapang-aping batas tulad ng RA7833 na 20 taon na pero hindi binabago.  Mr. President, now na!

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending