Hearing sa BBL o junket ba ang gusto ng Kamara? | Bandera

Hearing sa BBL o junket ba ang gusto ng Kamara?

Leifbilly Begas |September 24,2014
facebook
share this

Hearing sa BBL o junket ba ang gusto ng Kamara?

Leifbilly Begas - September 24, 2014 - 03:00 AM

DALAWANG milyong piso raw ang pondo na inilaan para sa pagdinig ng panukalang Bangsamoro Basic Law.

Ang gusto ni ad hoc committee chairman Rep. Rufus Rodriguez ng Cagayan de Oro, makapagsagawa ng pandinig ang komite sa mga probinsiya na ipinanukala na isama sa itatayong Bangsamoro Region, ang papalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Ang ad hoc committee ay mayroong 75 miyembro na galing sa iba’t ibang komite at iba’t ibang partido na may kinalaman sa usapang pangkapayapaan sa Mindanao.

Matagal nang pangarap ang pagkakaroon ng kapayapaan sa Mindanao at umaasa ang Malacanang na mangyayari na ito.
Ang tanong, kasya ba ang P2 milyong pondo? Kung ganito lang ang budget na ilalaan tiyak na kakapusin daw ito. Ang mga gastusin sa pamasahe, pagkain at hotel ang gastos na raw (Ano ito junket?).

Kung kapos talaga ito, dapat ngayon pa lang maghanap na ang mga staff ng mga kongresista sa piso fare para makamura sa eroplano.

O kaya magpa-book na sila sa RoRo (roll on roll off), yun eh kung kakayanin ng mga boss nila na sumakay dito.

Kung hindi nila kaya ang ganitong budget, bakit kaya hindi na lang kanya-kanyang gastos? Willing naman kaya silang gumastos ng sariling pera para sa kapayapaan?

Teka, kelan ba sila gumastos ng sarili nilang pera?

Nabuhay ang usapin tungkol sa reenacted budget nang harangin ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang deliberasyon ng panukalang P2.6 trilyong budget dahil hindi pa umano ibinibigay ni Budget Sec. Florencio ‘Butch’ Abad ang kumpletong listahan ng mga nakatanggap ng Disbursement Acceleration Program fund, gaya nang ipinangako nito sa kanya.

Mula nang maupo si Pangulong Aquino hindi pa nagkakaroon ng reenacted budget o ang paggamit ng kasalukuyang General

Appropriations Act para sa kapapasok na taon.

Hindi katulad noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, ang nakakulong na kongresista ng Pampanga, na ilang ulit na nagkaroon ng reenacted budget.

Inaangalan ito dahil ang reenacted budget ay nangangahulugan na ang Malacanang ang magdidikta kung anong mga proyekto ang popondohan.

Halimbawa kung ang GAA ng 2014 ang siyang gagamitin sa 2015, ang mga naipagawa ng kalsada ngayong taon ay hindi na ipagagawa ulit sa susunod na taon (syempre). Kaya nagkakaroon kaagad ng savings ang Malacanang.

Ang ganitong sitwas-yon ay hindi papabor sa kalaban ng Malacanang kasama na si Tiangco na secretary general ng United Nationalist Alliance at kaalyado ni Vice President Jejomar Binay.

At sa sitwasyon ni Rep. Tiangco, mukhang lugi sila sa ganitong laban. Tiyak na papaboran ng Malacanang ang mga proyekto na makatutulong sa kanilang mapipiling kandidato sa 2016 elections.

Naghahanap pa ang Malacanang o si Pangulong Aquino ng kanyang babasbasan para ipantapat kay Binay (kung hindi siya ang pipiliin).

Ang mahirap lang, ngayon pa lamang ay giba na si Binay. Inuungkat na ang kanyang nakaraan.

At kung sa susunod na survey ay bababa sa survey si Binay, hindi malayo na magtuluy-tuloy ito.

Baka matulad si Binay kay dating Vice President Noli de Castro na malakas noong una pero hindi na lang tumakbo.

O kung tutuloy si Binay sa 2016 elections, baka magaya siya kay dating Education Sec. Raul Roco na malakas sa mga survey noong malayo pa ang eleksyon.

O sa namayapang si Fernando Poe Jr., kaya na tinalo ni Arroyo sa bila-ngan.

Kung hindi mananalo si Binay, malabo na mangyari ang iniisip ng ilan na si Tiangco ang magiging speaker ng susunod na Kongreso

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

May komento o reaksyon ka ba sa artikulong ito? I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178446769.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending