Marion binigyan ng hustisya ang mga kanta ni Lala Aunor | Bandera

Marion binigyan ng hustisya ang mga kanta ni Lala Aunor

Cristy Fermin |July 28,2014
facebook
share this

Marion binigyan ng hustisya ang mga kanta ni Lala Aunor

Cristy Fermin - July 28, 2014 - 03:00 AM


Singkuwenta’y uno anyos na ngayon ang miyembro ng dating sumikat na grupong Apat Na Sikat na si Maribel “Lala” Aunor, pero panahon lang ang umusad para sa kanya, mukhang magkakapatid lang sila ng kanyang mga anak na sina Marion at Ashley.

Dumalo sa kanyang selebrasyon ang mga taong malapit sa buhay ng singer-actress, maligaya kaming muling makita si Mamay Belen (ang dakilang ina ni Lala na nakadiskubre at gumabay sa kanyang pinsang-buo na si Nora Aunor) na malakas pa, nandu’n din ang kanyang pamangking si Ian de Leon na isang taon na palang hindi man lang nakikita-nakakausap ang kanyang inang Superstar.

Masaya ang party, ipinalabas ang VTR ng kanyang kapatid na nasa Germany, si Lala ang madalas dumalaw sa kanyang Ate Norma sa naturang bansa.

Nagpadala rin ng masarap na mensahe sa kanyang kaarawan ang aming anak-anakan mula sa Winnepeg, Canada na si Rey-Ar Reyes, ang kanyang kaibigang si Chato Sugay (dating choreographer) na nasa Amerika, maraming nakaalalang bumati kay Lala Aunor.

Pero ang pinaka-highlight ng selebrasyon ay nang kantahan siya nina Marion at Ashley, si Marion ay may sariling matagumpay nang karera ngayon bilang singer (napakaganda ng kanyang piyesang Magmamahal Sa ‘Yo), ang bunsong si Ashley naman na musikera rin ay nasa kolehiyo na ngayon.

Kinanta ng magkapatid ang mga pinasikat na kanta nu’n ni Lala, ang “Dalaginding” at “Ah, Ewan”, binigyan ng hustisya ni Marion ang mga kanta ng mommy nito kaya maraming nagbigay ng ideyang puwedeng i-revive ng dalaga ang mga piyesa ni Lala nu’ng dekada ’80.

Mahigit na apat na dekada na naming anak-anakan si Lala Aunor, nasaksihan namin ang kanyang pagsikat hanggang sa maging matagumpay na siyang negosyante, pero ang kanyang pagiging mapagkumbaba at ang kabutihan ng kanyang puso ay hindi pa rin nagbabago.

Mapagmahal siyang anak kay Mamay Belen, masuporta siyang kapatid, napakarami niyang natutulungang kaibigan at katrabaho at higit sa lahat ay isa siyang mabuting ina kina Marion at Ashley.

Mas marami pang kaarawan para sa isang anak-anakang hindi pinagbago ng kasikatan, kayamanan at tagumpay. Maligayang kaarawan uli sa iyo, Lala Aunor!

( Photo credit to EAS )

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending