Demafelis, nabigyan ng hustisya dahil kay Digong

By Ramon Tulfo April 03,2018
share this

Demafelis, nabigyan ng hustisya dahil kay Digong

By Ramon Tulfo April 03,2018
share this

PINATAWAN ng parusang kamatayan ang mag-asawang amo ni Joanna Demafelis ng Kuwaiti court.

Bitay ang parusa kina Nader Essam, isang Lebanese national, at Mona Essam, na taga Syria.

Ito siguro ang pinakamataas na parusang iginawad ng Kuwaiti court sa taong taga Middle East dahil sa pagpatay sa isang Filipino overseas contract worker.

Kung hindi pa siguro itinigil muna ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait baka hindi napatawan ng parusang kamatayan ang bumaboy sa ating kababayan.

Si Demafelis ay inilagay sa freezer matapos itong patayin at nakita lang ang kanyang bangkay matapos ang isang taon.

Kung hindi siguro pinagmumura ng Pangulong Digong ang Kuwaiti ambassador to the Philippines sa Malakanang, baka wala pang ginagawa ang Kuwaiti sa pagkamatay ni Demafelis.

Malulupit ang mga tao sa Middle East sa mga dayuhang naninilbihan sa kanila, lalo sa mga domestic workers.
***

Nabisto na naman kamakailan ang pagiging incompetent ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre nang ibasura ng Supreme Court ang kanyang desisyon na pansamantalang palayain si Janet Lim-Napoles.

Si Napoles ay nasasakdal sa kasong plunder dahil sa P10-bilyon pork barrel scam.

Ang plunder ay isang non-bailable offense.

Sinabi ni Aguirre na gagawing state witness si Napoles.

Pero sabi ng Kataas-taasang Hukuman na si Napoles na yata ang may pinakamalaking partisipasyon sa pangungulembat ng pera ng bayan.

Bago ang desisyon ng Korte Suprema, nagalit ang taumbayan kay Aguirre matapos ibinasura ng Department of Justice ang kaso ng drugs kina confessed drug dealer Kerwin Espinosa at suspected Cebu drug kingpin Peter Lim.

May pinakitang katangahan din itong si Aguirre nang maliitin niya ang pagkakapatay ng mga pulis sa isang inosenteng estudyante na si Kian delos Santos na pinaghinalaang drug courier.

Minaliit niya ang pagpatay sa bata kahit alam na alam niya na galit na ang taumbayan.
***

Di ko hinuhusgahan ang mga akusado sa P10-bilyon pork barrel scam, pero dapat ay pantay-pantay ang pagtrato ng Sandiganbayan sa kanila.

Ang tinutukoy ng inyong lingkod ay ang pagbibigay ng piyansa kina dating Senador Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada samantalang ang kanilang co-accused na si dating Senador Bong Revilla ay hindi binigyan ng piyansa.

Pareho lang naman ang kanilang kaso: plunder.

Nagtatanong lang po.
***

May panukala na ibalik ang military ranks sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP).

Nalilito raw ang publiko sa mga ranggo ng mga pulis. Sanay na kasi ang taumbayan sa ranggo ng military: lieutenant, captain, major, lieutenant colonel, colonel, general, etc.

Ang mga ranggo kasi ng mga opisyal ng pulisya ay inspector, senior inspector, chief inspector, superintendent, senior superintendent, etc.

Akala kasi ng taumbayan na ang superintendent ng PNP ay school superintendent at ang inspector ay inspector sa bus.

Pero ang tanong, magiging disiplinado na ba ang PNP kapag ibinalik ang ranggo sa military?

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending