OFW 15 taon ‘ikinulong’ ng amo sa Kuwait

By Susan K March 02,2018
share this

OFW 15 taon ‘ikinulong’ ng amo sa Kuwait

By Susan K March 02,2018
share this

KUNG aalalahanin ng Bantay OCW mula noon, may 20 taon na ang nakararaan, kung gaano karami ang kaso ng ating mga kababaihang OFW na nagtrabaho, minaltrato, tumakas, tumalon sa mga gusali, binilanggo, lasog-lasog at sugatan ang mga katawan nang nakauwi sa Pilipinas. Sila ang mga OFW na na pawang nanggaling sa bansang Kuwait at Saudi Arabia.

Bakit nga ba hinayaan ito ng ating pamahalaan? Bakit nagtagal at nahirati na lamang ang mga mapang-abusong employer na gawin ang iba’t ibang klase ng pagmamalupit sa ating mga kababayang OFW.
Sa diretsahang salita, nagbulag-bulagan, nagbingi-bingihan ang pamahalaan hinggil dito. Diyan lamang sa Kuwait at ilang bahagi ng Saudi Arabia, para ring sirang plaka ang Bantay OCW sa aming panawagan mula noon magpahanggang ngayon: “No to Kuwait”, “No to Saudi” para sa ating mga kababaihang OFW.

Ngayon lamang kumilos ang ating gobyerno sa ilalim ng Duterte administration nang matapang itong magpalabas ng total dployment ban sa Kuwait.

Para kay Pangulong Duterte wala nang dapat pang pag-usapan dahil non-negotiable para sa kaniya ang buhay ng mga Pilipinong iniiwan ang kani-kanilang mga pamilya upang makapagtrabaho sa ibayong dagat. Wala ‘anya silang karapatan na saktan at babuyin ang isang Pilipino.
E, di lalong nagngitngit ang pangulo kung nangyari ito nang panahon niya, na isang Pinay OFW ang 15 taong ikinulong ng kaniyang mga amo sa Kuwait.
Sa loob ng 15 taon, tatlong beses itong nakalabas ng bahay nang magrenew ng kaniyang pasaporte sa Philippine Embassy sa Kuwait.

Kaya nga lamang, sa tatlong beses na nagtungo ito sa embahada ng Pilipinas, bantay-sarado naman siya ng kaniyang mga amo. Sinasamahan siya sa embassy at hindi ito maaaring makalingat sa kanila. Katabi sila saan man umupo ang Pinay. Kapag tinawag sa counter, sasamahan pa ito ng amo upang hindi makapag-sumbong o di kaya’y makagawa ng anumang eksena doon upang ipaalam ang tunay niyang kalagayan.

Nakabalik lamang ang Pinay nang makatakas ito sa tahanan ng mga amo, pagkatapos nang mahabang 15 taon na sapilitan at halos bilanggo siyang pinagtrabaho doon.

At halos hindi rin kami makapaniwala nang makita namin siya. Dahil hindi na siya marunong magsalita ng Tagalog. Animo isa na rin siyang Kuwaiti national kapag kinakausap.

Hindi na rin niya alam kung saan ang kanilang tahanan. Nang sumama ang Bantay OCW nang ihatid siya sa kanilang probinsiya, hinanap na lamang ng mga opisyal ng tanggapan ng Mayor noon ang mga kaanak ng Pinay OFW at kinumpirma sa kanila kung mayroon nga ba silang OFW sa Kuwait.
Tugon nila, “matagal na pong wala kaming balita sa kaniya at wala na po kaming komunikasyon noon pa man”.

Sa puntong iyon lamang natunton na taga-roon nga ang OFW na hindi na rin nila makilala at gayon din ang OFW, halos hindi rin niya maalala ang kaniyang mga mahal sa buhay.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending