Papatay ang magulang

By Lito Bautista March 02,2018
share this

Papatay ang magulang

By Lito Bautista March 02,2018
share this

HANAPIN ang katarungan. Pagbawalan ang mga nang-aapi. Harapin ang daing ng mga ulila at ipagtanggol ang mga namatayan. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Is 1:10, 16-20; Slm 50:8-9, 16-17, 21, 23; Mt 23:1-12) sa Martes sa ikalawang linggo ng Kuwaresma.

Di pa tanaw ang katarungan sa mga namatay sa Dengvaxia. Para sa mga magulang, ang Dengvaxia lamang ang sanhi ng pagkamatay ng kanilang anak pagkatapos maturukan. Sa mga pagdinig sa Kongreso, hindi parurusahan sina Aquino, Abad, Garin, atbp., dahil ang babalangkasing batas ay para sa pagbili ng susunod na bakuna.

Handang pumatay, kung may pagkakataon, ang ilang magulang dahil niloloko lang sila nina Aquino, Abad, Garin, atbp., dahil wala silang tatanggaping katarungan. Mismong mga doktor ay inililigaw ang pananagutan. Hindi hinaharap ang daing ng mga namatayan. Naglahong oyayi ng ina. Nawalang pag-asa ng magulang. May bisig pa ba ang dukha?

Tinakasan na ng katinuan si Aquino dahil sa pagsisinungaling. Sa Kamara, nag-blind item pa, na hawig sa kapatid na si Kris.
Mas lalong bang-aw naman ang mga kongresista na mas naging tagakubli ng sinungaling na anak nina Ninoy at Cory. Huwag sanang ilagay ng mga magulang ang batas sa kanilang kamay dahil ang katarungang langit ay igagawad din sa mamamatay ng bata.

Ang katarungang langit ay nagaganap na kay Sereno. Ang en banc ay tila sabungan at dumami ang kristong sentensiyador. Sa labas, naghihintay ang taumbayan kung ihaharap siya. Umaalma na ang mga mahistrado kontra Sereno (Bakit ayaw siyang ipagtanggol ni Aquino?). Malinaw ang asta ng Pariseo’t Escriba. Hayan na ang pagbaba ng mapagmataas. Mateo 23:1-12, Martes sa ikalawang linggo ng Kuwaresma.

Ang buhay ay patuloy na pakikibaka (Job 7:1). Kahit pakonti-konti ay nagtatagumpay ang PNP, lalo na si Senior Supt. Heryl Bruno, ng Malolos City, sa gera kontra droga. Wala pa ring papuri ang PNP sa nasasamsam na shabu. Bakit dedma ang mga kritiko ngayong mismong ang tahimik na taumbayan ang kumikibo at isinusumbong ang mga drogista? O ang mga kritiko ay meron ding drogista sa pamilya?

Balak kong magpahapyaw sa nakalap na mga kuru-kuro hinggil sa pederalismo, na aking assignment sa Public Affairs Ministry ng Diocese of Novaliches (Vicariate of Santo Nino). Pero, walang mararating ito dahil hindi ito ang tunay na problema kundi ang madaya’t dinarayang halalan sa pamamahala ng Comelec. Kailangang iulat ang Hangalan 2010 bago isagawa ang Eleksyon 2019, na uugnay sa pederalismo.

Di naman malupit ang “amo” ni Connie, ng V&G, Tacloban City, sa Kuwait, pero nagbalik-Pinas na lang siya. Tumakas si Connie sa kanyang mga amo dahil sa halos buong araw na pambubulyaw ng mga ito. Di na rin siya sinuwelduhan. Di na rin nakayanan ni Connie ang magmasahe sa 11 mababahong amo.

PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Ebanghelyo, San Jose Manggagawa, SJDM City, Bul.): Ang tamad ay huwag pakainin, hamon ng batang pari, halaw din sa Biblia. Napakahirap ng buhay ng aba, kaya bawat miyembro ng pamilya ay dapat kumikilos, magsisipag. Ang paglalasing, droga, videoke ay uri rin ng katamaran dahil walang maiuuwing pagkain sa nagugutom na pamilya.

PANALANGIN: Panginoon, bigyan mo kami ng tapang ng loob upang baguhin ang mga bagay na maaari pang baguhin. Panalangin ng Kapanatagan, Fr. Mar Ladra, healing priest, Diocese of Malolos.

SUMBA (Sumbong Barangay, 0916-5401958): Ipinadala na natin kay Asec. Martin Dino ng DILG ang sumbong ni …2533 ng San Vicente, Bislig City. Mag-text at mag-Sumba, lalo na ang mga nagaganap sa papalit na eleksyon.

MULA sa bayan (0916-5401958): Maraming motor na walang papeles sa Tacloban. Nasisita ng pulis, bakit pinaaalis lang? …1988, Cabalawan, Tacloban City.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

TODAY'S ISSUE OF BANDERA
What's trending