Foton, Cignal habol ang PSL semis seat

By Angelito Oredo December 07,2017
share this

Foton, Cignal habol ang PSL semis seat

By Angelito Oredo December 07,2017
share this

 

Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
4:15 p.m. Foton vs Sta. Lucia
7 p.m. Cignal vs Cocolife

PILIT ookupahan ng Foton Tornadoes at Cignal HD Spikers ang dalawang natitirang silya sa semifinals sa pagsagupa sa Sta. Lucia Lady Realtors at Cocolife Asset Managers sa matira-matibay na quarterfinals ng 2017 Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Grand Prix ngayon sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.

Unang sasagupain ng nagtatanggol na kampeong Tornadoes sa alas-4:15 ng hapon ang nagpapakita ng tibay na Lady Realtors bago ang paghaharap sa alas-7 ng gabi ng problemado dahil sa injury sa mga manlalaro na HD Spikers at ang nagpamalas ng husay sa mga huli nitong laro na Asset Managers.

Tumapos na tabla sa unahan ang Tornadoes sa kabuuang 7-1 panalo-talong karta subalit nahulog ito sa ikalawang puwesto sa point system sa nanguna na F2 Logistics. Apat na diretsong panalo ang itinala ng Foton na pinakahuli ay kontra sa Victoria Sports-UST sa loob ng tatlong set, 25-8, 25-22, 25-16.

Tatlong sunod na panalo ang huling itinala ng Lady Realtors na ang huli ay kontra sa Generika-Ayala Lifesavers, 25-27, 25-18, 25-17, 26-24, upang tumapos sa ikaanim na puwesto sa kabuuang 3-5 panalo-talong kartada.

Nanatili sa ikaapat na puwesto ang HD Spikers sa kabuuang 4-4 panalo-talo record matapos ang dalawa nitong sunod na panalo na huli kontra Victoria Sports-UST. Gayunman, posibleng hindi makasama ng Cignal ang mga beterano nito na sina Rachel Ann Daquis at Jovelyn Gonzaga na nagpapagaling sa mga natamong injury.

Nakalasap naman ng kabiguan sa huli nitong dalawang laro ang Asset Managers na ang huli ay kontra Petron Blaze Spikers, 19-25, 21-25, 22-25, upang mahulog sa ikalimang puwesto sa kabuuang 3-5 panalo-talong karta.

Nauna naman na pumasok sa semifinals ang nanguna sa preliminaries na F2 Logistics at Petron.

Binigo ng Cargo Movers ang pumangwalo na baguhang Iriga City Oragons, 25-19, 25-12, 25-17, habang tinalo ng Blaze Spikers sa loob ng limang set ang Generika Ayala Lifesavers, 19-25, 25-22, 22-25, 25-17, 15-11.

Makakasagupa ng F2 Logistics ang magwawagi sa pagitan ng Cignal at Cocolife habang haharapin ng Petron ang magwawagi sa pagitan naman ng Foton at Sta. Lucia.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

TODAY'S ISSUE OF BANDERA
What's trending