Huwag palaging umasa asawang OFW

By Susan K November 17,2017
share this

Huwag palaging umasa asawang OFW

By Susan K November 17,2017
share this

MARAMI pa ring mga kababaihan ang asang-asa sa kanilang mga asawang lalaki. Nangyayari lamang ang ganitong mga sitwasyon kung natapat sila at nagkaroon ng mga responsableng mister at talaga namang seryosong ginagampanan ang kanilang mga papel bilang padre de familia.

Asawa ng landbased OFW si Marivic. Sa loob ng 10 taon na pag-aabroad ng asawa, buong panahon din itong naglingkod sa kaniyang pamilya.

Tumatayo siya bilang ama at ina ng kanilang mga anak. Pero pagdating sa mga usaping pinansiyal, wala naman siyang pinoproblema. Sapat-sapat ang padala ni mister at mas madalas may extra pa si misis.

Kaya naman nakuntento na lamang si Marivic na mag-pokus sa pamilya at buhos ang kaniyang atensiyon sa bahay at tatlo nilang mga anak. Hindi na niya naisip pang maghanap-buhay o di kaya’y magdagdag ng kaunting kita man lamang dahil hindi naman sila nagkukulang.

Hanggang sa dumating ang araw na hindi man lang sumagi sa kaniyang isipan o sa panaginip man, ang araw na kailanmay ay hindi niya inasahan: na maaari palang mawala ang asawa nanng biglaan.

Inatake sa puso ang mister na OFW habang nasa gitna ng pagtatrabaho. Labis itong ikinabigla ni Marivic. Ang balitang nagpamanhid sa kaniyang buong katawan! Hindi niya iyon matanggap!

Lahat nga kasi inasa na talaga ni misis sa asawa. Kaya habang hinihintay ang pagpapauwi sa bangkay ni mister, tuliro na ito at hindi na makausap dahil sa labis na pagkabigla.

Sabi ng nanay niya, ang totoo kasi, wala siyang naipon man lang. Hindi nag-iipon o nagtatabi man lang ang anak nang kahit magkano dahil iniisip niyang si mister na rin ang bahala para sa kanilang retirement.

Dagdag pa ni nanay, matagal na ‘anya niyang pinagsasabihan ang mga anak niya na pawang may mga asawang OFW. Na kahit papaano ay matutong maghanapbuhay dahil anumang oras, darating ang panahong kinatatakutan ng lahat. Ngunit si Marivic, madalas ‘anyang tinatawanan lang siya. Hindi raw mangyayari iyon sa kanila.

Kaya nang marinig ang nakagigimbal na balita, wala na sa sarili si Marivic, hindi na ito nakakausap, ni hindi makapagdesisyon para sa pagbabalik ng bangkay ng asawa.

Ang kaniyang ina naman ang umalalay na sa anak. Siya na rin halos ang nagdedesisyon hinggil sa namatay na manugang, pati na ang pag-aaruga sa mga anak at pag-sasaayos ng kanilang tahanan.

Kaya naman payo ng ina sa dalawa pang anak na babae na pawang may mga asawa ring OFW, huwag umasa nang labis-labis sa kanilang mga asawa. Mayroon din silang sariling mga buhay at maging handa sa mga panahong hindi inaasahan tulad ng kamatayan ng kanilang mga mahal sa buhay.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

TODAY'S ISSUE OF BANDERA
What's trending