Marami tayong gaya ni Maria Isabel Lopez

By Ira Panganiban November 17,2017
share this

Marami tayong gaya ni Maria Isabel Lopez

By Ira Panganiban November 17,2017
share this

SOBRANG dami na ang naisulat tungkol sa ginawa ni dating beauty queen Maria Isabel Lopez na paglapastangan sa traffic at security system na inilatag para sa nakaraang Asean Summit.

Madami ang nagalit at sobrang daming masasakit na salita ang ibinato laban kay Lopez. Hindi rin nakakatulong ang mga sagot ni Lopez kung saan nagmamalaki pa siya na mas nagka-project pa siya dahil sa kabulastugan niya.

Dagdag pa ang pa-kuyakoy na pagtrato ng Land Transportation Office sa kaso ni Lopez, kung saan kung ano-ano ang dahilan na ibinibigay nila huwag lang agad makasuhan ang dating beauty queen.

Pero kung susumahin mo ang lahat, sa gitna ng ingay at kaguluhang ito, makikita natin na hindi bago ang ginawa ni Lopez sa ating mga motorista.

Araw-araw ay mayroong driver na pumapasok sa one-way, kumokontra sa daloy ng trapiko o counterfow, pumaparada sa no parking area at pumapasok sa hindi dapat pasukan.

Dito ay pumapasok ang kultura ng “lulusot kung makakalusot” at “tatabla kung patatabla.” Sa akala ba natin ay tama ito? Sa akala ba natin ay maganda ito?

Yung tili ng boses ni Lopez habang tuwang-tuwa siyang nagmamalaki na naisahan niya ang mga traffic enforcers, ito ang tunog ng yabang natin pag hindi tayo hinuli sa one-way, counterflow o illegal parking violation natin.

Yung kagalakan sa pagkakasulat niya na hindi siya hinuli ng enforcer ng alisin niya yung cone sa restricted lane, ito ang kagalakan natin sa tuwing hindi tayo nahuhuli sa number coding.

Mali si Lopez. Dahil sa totoo lang, ang batas ay dapat sinusunod at hindi nilalabag. Kahit pa sabihin ng isang dayuhan na motoring journalist daw dyan huwag na tayo maglatag ng batas kung hindi din kaya ipatupad.

Dahil ang tunay na pagpapatupad ng batas ay nasa ugali dapat natin. Ang tamang pananaw ay sundin ang batas kahit masakit para sa indibidwal dahil ang benepisyo ay para sa nakakarami. Hindi yung di lang kaya ipatupad eh mali at huwag na lang. Sagot yan ng gusto din na hindi siya hinuhuli dahil sikat din yata siyang foreigner na siya.

Mali rin ang LTO. Dahil kahit ano pa ang sabihin, lantarang nilabag ni Lopez ang batas kung kaya’t dapat siyang parusahan agad. Hindi dahilan ang walang umarestong enforcer kaya dapat may due process. Sa IRR ng ADDA, ang makita sa social media na nag-post ka ng video habang nasa likod ng manibela ay violation na!

Pero ang pinakamalaking isyu rito ay tayo. Tayong lahat na kinokondena ang ginawa ni Lopez at ang kawalang aksiyon ng LTO pero pag walang nakatingin ay ganundin ang gawain natin.

Auto Trivia: Ang isa sa sangkalan ng batas trapiko ay ang mga traffic signs. Dahil dito, nakasalalay kung ano ang puwedeng gawin ng motorista sa lansangan. Kaya kung walang sign na “NO Left Turn” ibig sabihin ay puwede ang left turn. Ganun din sa no entry, no U-Turn at iba pa.

Para sa mga komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending