Umpisa na ng IS | Bandera

Umpisa na ng IS

Lito Bautista |October 27,2017
facebook
share this

Umpisa na ng IS

Lito Bautista - October 27, 2017 - 12:10 AM

KUNG hindi ka handang mamatay, hindi ka rin handang mabuhay. Iyan ang Pagsasagawa sa Pagninilay sa Ebanghelyo (Rom 5:12, 15b, 17-19, 20b-21; Slm 40; Lc 12:15-38) sa paggunita kay San Antonio Maria Claret.

Hindi natatapos ang bangungot ng Marawi sa bukanliwayway ng Bangon Marawi. Hindi namatay ang banta ng IS sa bansa. Namatay man ang mga lider-extremista, marami pang papalit, mas bata pa at mararamdaman na lamang ang bagong terorismo, tulad ng pamamaslang sa matataong lugar sa paraang mas kahindik-hindik at nakapanlulumo.

Sa mga bakwit, di nila nakita ang pagtatapos ng digmaan. Ang mga namatay ang nakakita nito. Nagdadalamhati ang mga bakwit pero sa muling pagharap sa buhay, sana’y taglay na nila ang tapang na harapin ang kamatayan. Di ito problema ng sundalo’t pulis. Problema ito ng mga buhay. Kung sana’y naging gabay lamang ang tamang paniniwala.

Kay Texter 3200, ng Barangay Poona Marantao, Marawi, nakita niya si Bin Laden sa Mindanao.. Pinatay si Bin Laden, pero marami ang nagpatuloy ng kanyang laban. Madaling sabihing “We must never let our guard down.” Pero, mas marami pa ang di niya nakikita at maaaring mangyari sa kanyang lungsod, sa ibang bayan, o sa bansa. Ang nangyari nga ay di napaghandaan ng gobyerno.

Kung nakagawa man ng krimen ang mga extremista sa Islam, na niyayakap ang kapayapaan, paano nila pananagutan ito? Paano ipaliliwanag ng tapat na mga Moro sa mga kakalapin na kontra Islam ang kanilang gagawin sa kapwa nila? Alam ng mga Moro na mali ang marahas sa ideyolohiya, pero bakit dito patungo ang henerasyong kasalukuyan? Digong, tabang.

May kinalaman din ba ang malaking agwat ng mayayaman at mahihirap na Moro? Bakit maraming bayan at lunsod sa ARMM ay lugmok pa rin sa kahirapan sa kabila nang bilyones na ibinuhos ng gobyerno sa mahabang panahon? Bakit nag-aalok ng dangkal-dangkal na pera ang mga terorista para makakalap ng miyembro? Wala na bang ibang paraan ang Moro para magkapera kundi ang sumama sa kidnaping at terorismo?

Raket ng isang barangay sa North Caloocan ang pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa nanakit (daw) ng menor de edad. Sa tulong ng barangay, madalang i-inquest ang kaso. Pero, hihikayating ang respondent na umareglo (bayad) sa malaking halaga. Nang walang maisukang pera, na-inquest ang respondent at ibinaye sa City Jail. Mabuti na lamang at nabuking ng mataas na piskal ang gawa-gawang kaso at pinalaya ang respondent.

Nagkamali ang mga opisyal ng Mandaluyong nang ipagbawal nila ang angkas sa motor, kasi mismong traffic enforcers nila at kawani ng City Hall ang may angkas sa motor. Sa dalawang araw na welga ng Piston, naihatid ng nakamotor ang angkas sa trabaho. Tunay nga na may Mandaluyong loob at labas.

Sige Digong, i-phaseout mo na ang mga jeepney sa Metro Manila. Pero, huwag mo namang palitan ng “modernized jeepneys.” Digong, mas matalino sa iyo si Marcos. Kay Marcos, bawal ang jeepney sa main roads. Ang main roads ay para lamang sa (mini buses) JD, MD, Yujuico, Cometa, Pandacan Liner, DM, atbp. Isang JD, tatlong jeepney ang katumbas.

Sige, Digong, i-phaseout mo na ang mga jeepney sa Metro Manila. Napakaraming pulis, traffic enforcers, barkers, “tindero(a)” ng sampaguita ang nabondat sa jeepney driver. Di ba alam ni Digong na ang isang jeepney driver ay kayang magmantine ng tunay na asawa at dalawang kabit? Ganyan kalakas kumita ang mga yan at di pa nagbabayad ng buwis.

PANALANGIN: Kasalana’y nangungusap sa puso ng masasama, sa ubod ng puso nila’y doon ito nagwiwika; tumatanggi sa Diyos at ni takot ay wala. Awit 36:1.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

MULA sa bayan (0916-5401958): Ang Maute ay isa lang sa faction ng Bangsamoro rebellion. Kung alam lang ng karamihan ang labanan, hindi pa tapos. Kapag hindi naipasa ang BBL, marami pa ang isisilang na sanggol ng mga Moro para sa paghihiwalay ng Mindanao. Una ang kabataang MILF at MNLF. Kapag sa mga isinilang ay sinabi ang “si ama mo, pinatay ng Kristiyano,” ano… EFB …0821

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending