Kamara walang takot sa Simbahan

By Leifbilly Begas October 11,2017
share this

Kamara walang takot sa Simbahan

By Leifbilly Begas October 11,2017
share this

MAY punto ang inaprubahang panukala ng House committee on ways and means.

Bakit nga naman papatawan pa ng Value Added Tax ang kuryente na hindi mo naman nagamit?

Sa kasalukuyang billing ng Meralco, pinapatawan ng VAT ang system loss— ito ‘yung kuryente na ninakaw (jumper) at nawala sa transmission ng kuryente.

Sa madaling salita, kuryente na hindi nagamit ng kustomer pero sinisingil sa kanya.
At pinapatawan pa ng VAT, kaya doble-doble ang singil sa kustomer.

Bukod sa Meralco, dapat ding tingnan kung ganito rin ang patakaran sa mga electric cooperative na nagsusuplay sa mga probinsya.

***

Bukod sa singil sa kuryente, dapat din sigurong tingnan ng Kongreso ang singil sa tubig.

Sa Manila Water kasi halimbawa, mayroon silang tinatawag na basic charge. Ibig sabihin kahit na wala kang kinonsumo ay mayroon kang babayaran.

Halos P100 ang basic charge na madaragdagan pa ng Environmental Charge, Sewer Charge, Maintenance Charge at lahat ng ito ay papatawan ng 12 porsyentong VAT.

Kung halimbawa ay wala nang nakatira sa isang bahay, sisingilin pa rin siya ng Manila Water ng halos P100 na madaragdagan ng iba pang charges bago patawan ng VAT.

Wala ka na ngang ginamit may VAT pa rin.

 

***

Mukhang hindi na rin papipigil ang Kamara de Representantes sa pagpasa ng panukalang dissolution of marriage.

Paano ko naman nasabi ito? Kasi naman ang mga lider ng Kamara ang mistulang nagsusulong nito gaya nina House deputy speaker Pia Cayetano at Raneo Abu. Ang panukala ay akda ni Speaker Pantaleon Alvarez.

Mukhang hindi rin natatakot sa Simbahang Katolika ang mga kongresista sa pagpasa ng panukala kahit pa mas matindi ito kumpara sa Reproductive Health Act na isinabatas ng nakaraang administrasyon.

At may suporta ring nakuha ang panukala sa mga overseas Filipino worker.

Sabi ng Mission for Migrant Workers, 10 porsyento ng mga kaso na idinulog sa kanila ng mga OFW ay may kaugnayan sa pangangaliwa ng asawa.

At siyempre ang gusto nito ay hiwalayan na ang kanilang mga nangaliwang pinakasalan.

May isang kaso pa kung saan namomroblema ang isang OFW dahil itinira na ng kanyang mister ang bago nitong asawa sa bahay na kanyang ipinatayo.

Ano nga naman ang kanyang gagawin? Sakit sa bangs, di ba?

Kung hiwalay na sila, baka mas may laban siya na paalisin ang mister at kinakasama nito sa bahay na dugo at pawis ang kanyang ipinampagawa.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

TODAY'S ISSUE OF BANDERA
What's trending