Du30 bakit dedma sa gusot sa Ilocos Norte? | Bandera

Du30 bakit dedma sa gusot sa Ilocos Norte?

Leifbilly Begas |June 14,2017
facebook
share this

Du30 bakit dedma sa gusot sa Ilocos Norte?

Leifbilly Begas - June 14, 2017 - 12:10 AM

HETO na nga bang sinasabi ko.

Inabot na ng tag-ulan ang mga bungkal ng lupa sa Gen. Luna st., sa San Mateo, Rizal.

Bukod sa tag-ulan ay may pasok na rin ang mga estudyante kaya mas maraming sasakyan ang nasa kalsada.

Hindi maitatanggi na malaki ang epekto ng mga hukay malapit sa SM San Mateo. Sa halip kasi na dire-deretso lang ang mga sasakyan, kailangan nilang magbagal kapag nasa lubak.
Sana naman ay hindi na ito abutin ng Pasko.

***

Malayo pa ang eleksyon pero mukhang nagkakasubukan na ng lakas ang mga politiko sa Ilocos Norte.

Noong 2016 elections ay hindi si Rep. Rudy Fariñas ang dinala ng kampo ni Gov. Imee Marcos. Si Fariñas noon ay Nacionalista Party kasama ang mga Marcos pero nagkahiwalay sila ng landas.

Pareho naman silang nanalo noong 2016 polls.

Pero mukhang sinuwerte si Fariñas, na lumipat sa PDP-Laban, dahil siya ay naging House Majority leader kaya siya ang nagtitimon sa mga nangyayari sa Kamara.

Sabi ng mga miron, tuluyan nang pinutol ni Fariñas ang kanyang ugnayan kay Marcos nang maghain ito ng resolusyon at paimbestigahan ang paggamit ng tobacco fund ng probinsya.

May anomalya raw kasi sa paggamit ng naturang pondo nang ipambili ito ng mga sasakyan.

Kuwestyunable umano ang mga sasakyang binili kaya pinahukay ito ni Fariñas sa House committee on good government.

Hindi nagustuhan ni Fariñas ang sagot ng anim na mga opisyal ng Ilocos Norte provincial government sa pagdinig kaya ipina-cite in contempt niya ang mga ito at sila ay nakakulong ngayon sa Kamara.

Hinahanap din ni Fariñas ang mga dokumento ng mga biniling sasakyan pero nawawala raw sabi ng mga opisyal.

Humingi ng saklolo ang mga empleyado sa Court of Appeals. Pinayagan ng korte na magpiyansa ang mga ito.

Pero matigas ang liderato ng Kamara. Hindi nila kinikilala ang hurisdiksyon ng CA.

Sabi ni Sergeant-at-Arms Roland Detabali, ang susundin lang niya ay ang utos na nagmumula sa liderato ng Kamara. Sila ang kanyang boss kaya natural lamang siguro iyon.

Hindi nakakapasok ang mga tauhan ng CA na magdadala sana ng court order.

Patigasan ang laban. Ang tanong ay kung sino ang mananaig sa huli.

Marami ang hindi natutuwa sa ginagawa ng Kamara na hindi sumunod sa korte.

Kung hindi umano nila susundin ang korte, papaano pa maitatama kung may mali silang ginawa. Wala na raw pupuntahan ang taumbayan kung aabuso ang mga mambabatas sa kanilang ginagawa.

Hindi naman inaasahan na manghihimasok ang pangulo sa umiinit na hidwaan ng Kamara at CA.

Pero ang tiyak, ang magdedesiyon sa pagitan ng kampo nina Fariñas at Marcos ay ang mga botante sa 2019 elections.

Parehong last termer sina Marcos at Fariñas. Ano nga kayang mga puwesto sa probinsya ang kanilang target sa 2019?

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Isa ring tanong ay kung sino ang babasbasan ni Duterte sa dalawang kampo. Si Marcos na ilang beses na nakitang kasama niya at gusto niyang maging bise ang kapatid na si dating Sen. Bongbong Marcos o si Fariñas na siyang bastunero ng administrasyon para pumasa ang mga panukala na kailangan nila?

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending