Bakit bastos ang jeepney, bus driver? | Bandera

Bakit bastos ang jeepney, bus driver?

Ira Panganiban |June 02,2017
facebook
share this

Bakit bastos ang jeepney, bus driver?

Ira Panganiban - June 02, 2017 - 12:10 AM

SA araw-araw na ginawa ng Maykapal, nakikita at nasisita natin ang walang disiplinang istilo ng pagmamaneho ng mga driver ng mga pampublikong sasakyan sa bansa.

Hihinto sa gitna ng lansangan para magbaba at magsakay ng pasahero, bawat kanto ay pinaparadahan, at para bang sadyang gumagawa ng trapik sa tuwing sila ay pumapasada.

Hindi natin maintindihan ang ganitong barumbadong pag-uugali ng mga driver ng bus at jeep.  Perwisyo na sila sa lansangan.

Pinuntahan ko yung ilegal na terminal ng bus at jeep sa Quezon Memorial Circle at nakipaghuntahan ako sa mga drayber doon. Medyo nagulat ako sa kuwento nila sa atin.

Pasahero, kita at boundary ang puno at dulo ng kanilang bruskong istilo ng pagmamaneho. Lagi silang naghahabol ng pasahero para maabot nila ang kanilang boundary, gastos sa krudo at langis at siyempre para may mai-uwi sa pamilya nila.

Bawat pasahero ay mahalaga sa mga tsuper na ito dahil maliit lang naman ang kita nila.  Maraming pasahero, mas malaki ang kanilang kikitain.

Humihinto sila sa gitna ng lansangan dahil “strategic” ito sa kanilang pamamasada. Kailangan nila harangan yung mga ibang jeep at bus sa likod nila para yung pasahero sa bandang harapan ay sa kanila pa rin sumakay.

Sinasadya nilang magtrapik para  mabilis na mapuntahan yung pasahero sa susunod na kanto at hindi maagaw nung nasa likod namin, katwiran ng mga nakausap kong drayber.
Ganun din ang mga bus driver.  Balagbag sa daan dahil kailangan mapuno ang bus para maabot ang boundary at krudo.

Bunga ito ng boundary system na siyang pinagkukunan ng kita ng isang drayber ng bus, jeep at taxi sa Pilipinas. Walang matinong suweldo ang mga driver ng public utility vehicles sa ating bansa, parang komisyon ang kita nila,  katwiran pa ng mga driver na nakausap natin.

Mayroon ng batas na nagsasabi na dapat ay suwelduhan na ang mga driver ng bus pero hindi ito nasusunod hanggang ngayon.
Katwiran ng mga operators mas gusto daw ng mga drivers nila na boundary system sila. Pero sabi ng mga kakilala kong bus driver, mas gusto nila ang suweldo sana dahil sigurado na sila sa kikitain nila at hindi na nila kailangan maghabol ng kita.

Wala pang batas tungkol sa suweldo ng mga jeepney drivers.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sa suma total, pagpapatupad pa rin ng batas ang solusyon sa problemang ito, dahil ang lansangan natin ngayon ay napupuno ng anarkiya sa pagkabigo ng halos lahat ng motorista na sumunod sa batas trapiko.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending