Department of OFW panandalian lang | Bandera

Department of OFW panandalian lang

Ramon Tulfo |April 18,2017
facebook
share this

Department of OFW panandalian lang

Ramon Tulfo - April 18, 2017 - 12:10 AM

IBINALITA ni Pangulong Digong sa kanyang pagbisita sa Middle East na itatatag niya ang Department of Overseas Filipino Workers o DOFW upang pangalagaan ang kapakanan ng lahat ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Ang DOFW ay pansamantala lamang at bubuwagin kapag wala nang Pinoy na namamasukan sa ibang bansa.

Sa aking pakikipag-usap kay Mano Digong noong siya’y mayor pa ng Davao City, hindi siya pabor na mamasukan ang isang Pinoy sa ibang bansa at iwan ang kanyang pamilya dito.

Kung may magagawa lang siya, aniya, ay hindi na dapat pumalaot ang Pinoy upang magtrabaho dahil marami nang trabaho sa bansa.

Ibig sabihin ng Pangulo, kailangang paunlarin natin ang Pilipinas upang wala nang Pinoy na iiwan ang kanyang pamilya dito upang magtrabaho sa abroad.

Ang ginagawa ngayon ni Presidente Digong sa pagpuksa ng droga at krimen at corruption ay upang maging attractive ang bansa sa mga foreign investors at magtayo ng mga pabrika at opisina dahil sa katahimikan.

A peaceful and corruption-free country attracts business and commerce. Brisk business leads to industrialization. Full industrialization creates millions of jobs.

Kapag naging highly industrialized na ang Pilipinas, marami nang pabrika at opisina ang mapapasukan ng ating mga kababayan at hindi na sila kailangang umalis.

Kapag dumating ang araw na yun—at hindi na rin ito magtatagal—hindi na kailangan ang DOFW.

***

Sinabi ng isang think tank, ang Global Source na nakabase sa New York, USA, na kapag bumili ang gobiyerno ng palay sa mga magsasaka at hindi mag-import ng bigas ay tataas ang presyo ng bigas.

Kalokohan, sabi ni Agriculture Secretary Manny Pinol.

Mga sakim na negosyante ang umupa sa Global Source upang magpalabas ng ganoong opinyon upang mabago ang pag-iisip ng gobiyerno, sabi ng “small but terrible” agriculture secretary.

Bakit natin paniniwalaan ang isang bayaran na think tank, ani Pinol.

Hindi sinabi ni Pinol na huwag mag-import ng bigas kailan man.

Ang sinasabi lang ni Pinol ay dapat bilhin ng gobiyerno ang mga palay sa mga magsasaka sa mga panahon ng tag-ani dahil dapat kumita naman ang ito.

Tama ang “cute” na aggie chief: Unahin munang kumita ang mga magsasaka bago ang mga rice importers.

***

Noong panahon ni Lito Banayo bilang administrator ng National Food Authority (NFA), maraming inambag na bigas ang bansa na di naman kailangan.

Bakit? Dahil nilagyan ng mga rice importers na ilang mga opisyal ng NFA upang payagan silang mag-ambag ng bigas dahil malaki ang kinikita sa bigas.

Naging bilyonaryo ang isang NFA official overnight dahil pinayagan niya ang importation ng bigas kahit na hindi ito kailangan.

Binaha ng imported rice ang bansa at hindi kumita ang mga local rice farmers dahil naging mura ang presyo ng bigas.

 

***

Kinawawa ng Armed Forces of the Philippines ang mag-asawang Petalco—Constancio at Crisenta—na tinamaan ng ligaw na bala nang sila’y napagitnaan ng nagbabarilan ng mga government troops at Abu Sayyaf bandits sa Inabanga, Bohol.

Pinaratangan ng AFP ang mag-asawa na nagkupkop ng mga bandidong Abu Sayyaf na lumanding sa Inabanga galing ng Basilan o Sulu.

Ginawa ng militar ang paratang upang mapagtakpan ang kapalpakan ng kanilang tropa sa pakikipagbarilan sa mga bandidong Moro.

Ang mag-asawang Petalco ay mahina na at hindi na makatakbo dahil sa kanilang katandaan kaya’t napatay sila sa crossfire.

Patay na nga, kinawawa pa!

Wala namang kahabag-habag ang ating AFP.

***

Dapat siguro ay baguhin na ng AFP at maging ang Philippine National Police (PNP) ang kanilang taktika sa pakikipaglaban sa mga bandido Moro at New People’s Army (NPA).

Para namang mga estupido ang government troops dahil namatayan sila ng tatlo—dalawang sundalo at isang pulis—sa barilan sa mga Abu Sayyaf gayong nasa kanilang teritoryo sila.

They have the mastery of the terrain, ‘ika nga, samantalang ang mga Abu Sayyaf ay mga dayuhan sa lugar.

Excusable na malagasan ang government troops kung ang labanan ay nasa mga kagubatan ng Sulu o Basilan dahil hindi nila kabisado ang terrain.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Pero taga roon ang mga sundalo at pulis at dapat ay alam nila ang kasulok-sulukan ng Inabanga; bakit sila nalagasan pa?
Hindi ba katangahan o walang kaalam-alam sa taktika kaya’t namatayan ang government troops gayong siyerto nila ang lugar?

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending