Paghihirap sa abroad, nauwi lang sa abo | Bandera

Paghihirap sa abroad, nauwi lang sa abo

Susan K |March 01,2017
facebook
share this

Paghihirap sa abroad, nauwi lang sa abo

Susan K - March 01, 2017 - 12:10 AM

MAHIGIT 20 taong nagtrabaho sa Saudi Arabia si AV, isang engineer at galing sa matinong pamilya.

Masipag at masinop ang kanyang mga magulang. Lumaking mababait at masunurin naman ang kanilang mga anak. Nakatapos silang lahat sa kolehiyo at nagplano para sa kanilang kinabukasan.

Naunang nag-abroad ang panganay nilang anak. Nakatulong na rin ito at sumuporta sa nakababata pang mga kapatid. Nang maging engineer si AV, nagpaalam na rin siya at nagtungo sa Saudi.

Doon na rin natagpuan ni AV ang kanyang napangasawa. Isa rin itong OFW.

Ngunit nang ikinasal sila, umuwi ang babae sa Pilipinas at siya na lamang ang pinag-asikaso ng kanilang kabuhayan sa Pilipinas.

Tulad ng maraming OFW, agad nilang plinano na magkaroon ng sariling bahay. Bumili sila ng bakanteng lote at unti-unting pinag-ipunan ang pagpapatayo ng kanilang bahay.

Ngunit hindi nagkaroon ng anak sina AV. Kaya naman, solo si misis sa buong panahon na nasa Saudi ang asawa.

Tulad din nang hindi inaasahan, dumarating sa buhay ng tao ang pagkakasakit. Sa kabila nang pagkakaroon ng magandang trabaho, mataas na suweldo at marangyang pamumuhay, kapag nagkasakit na ang tao, hihinto ang lahat ng ito.

Malala ang naging sakit ni AV. Kahit nagda-dialysis ay patuloy pa rin itong nagtatrabaho sa Saudi.

Doble-hirap para sa kanya dahil solo siya sa bahay at siya pa rin ang nag-aasikaso sa kanyang sarili tulad nang pagluluto, paglalaba at iba pa.

Nang ramdam na nitong nahihirapan na siya, nagsabi ito sa asawa na uuwi na siya for good.

Sa halip na maunawaan ang kalagayan ni AV, nagalit pa si misis. Tigas nitong tanggi sa desisyon ng asawa.

Hindi umano siya puwedeng umuwi dahil marami pa silang bayarin sa Pilipinas.

Nanghimasok na rin ang pamilya ni AV. Sabi nila sa asawa, wala naman silang mga anak at kung kabuhayan lamang nilang dalawa, madali na anila iyon. Awang-awa na sila kay AV at ayaw na nga sana nitong bumalik sa Saudi.

Dahil hindi nga pumayag si misis, kaya balik-Saudi ulit si AV. Ilang mga buwan lamang, patuloy na ang panghihina ng kanyang katawan, kung kaya’t bumalik na rin siya sa Pilipinas.

Tumira ito sa kanyang ina at nilayasan ang kanyang misis. Nang kritikal na ang kalagayan ng ating OFW, hindi na rin siya sinipot ng kanyang misis, at tanging ina na lang niya at mga kapatid ang nag-asikaso at nag-alaga sa kanya sa ospital.

Hanggang sa mamatay si AV, tuluyan nang hindi nagpakita si misis. May nakapagkuwento sa kanilang nakita umano itong may kasamang ibang lalaki na foreigner namamasyal sa isang park sa Maynila.

Ngayon lang din nalaman ng pamilya ni AV na pinarerentahan na lang pala ni misis ang kanilang bahay at matagal nang hindi nahuhulugan ang kanilang buwanang amortisasyon sa bahay. Ngunit malaki ang ipinapadala ni mister sa kanya at iba pala ang pinagkakagastusan ng asawa.

Labis naman ang hinagpis ng ina ni AV. Kung ganito lamang pala ang sasapitin ng anak, disin sana’y hindi na sila nagsumikap pang pag-aralin si AV; nag-abroad sa paghahangad nitong magkaroon ng maligaya at magandang buhay.

Literal na bumalik sa abo si AV matapos itong ipa-cremate ng pamilya.

***

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali) audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending