Sebastian kakasuhan si de Lima | Bandera

Sebastian kakasuhan si de Lima

Leifbilly Begas |October 05,2016
facebook
share this

Sebastian kakasuhan si de Lima

Leifbilly Begas - October 05, 2016 - 05:46 PM
laila de lima Hindi natuloy ang paghahain ng reklamo ng convicted kidnapper na si Jaybee Sebastian laban kay Sen. Leila de Lima na umano’y naglagay sa panganib sa kanyang buhay noong ito pa ang kalihim ng Department of Justice.      Hindi kasi dumating ang misis ni Sebastian na si Roxanne na kailangan upang kumatawan sa kanya sa ihahaing reklamo sa Office of the Ombudsman. Ang reklamong ihahain ay paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Anti-Torture Law ayon sa abugadong si Eduardo Arriba.      Babalik na lamang umano si Arriba kasama si Roxanne upang maisampa ang reklamo.      Sa tanong kung may karapatan si Sebastian na magsampa ng kaso kahit siya ay convicted na, sinabi ni Arriba na ‘lahat naman po tayo may karapatan na magsampa ng kaso kung halimbawa yung mga karapatan mo ay medyo na-violate na.”      Bukod kay de Lima kasama sa irereklamo sina Ricardo Rainier Cruz, dating direktor ng Bureau of Corrections at Richard Schwarcopf Jr., superintendent ng New Bilibid Prison.      Ang kay Arriba ang kaso ay kaugnay ng paglilipat kay Sebastian sa solitary confinement ng Maximum Security Compound na maituturing umanong mental torture. Tumagal umano ito mula Oktobre 2014 hanggang Enero 2016.      Ilang beses umanong sumulat ang kampo ni Sebastian sa liderato ng NBP na alisin siya sa Building 14 dahil naroon ang Bilibid 19 subalit hindi umano ito pinakinggan. Si Sebastian ang sinisisi ng Bilibid 19 na nagpalipat sa kanila sa kustodiya ng National Bureau of Investigation.       Ang pagsabi umano ni de Lima na si Sebastian ay isang asset ng gobyerno ay naglagay sa panganib ng buhay nito.       Si Sebastian ay nasaksak sa isang riot sa loob ng NBP kamakailan at nagpapagaling pa.       Sa pagdinig ng House committee on justice, ilang preso ang nagsabi na nilapitan sila ni Sebastian upang palakasin ang bentahan ng ipinagbabawal na gamot sa loob ng NBP upang makalikom ng pondo para sa kandidatura ni de Lima na tumakbo at nanalo sa pagkasenador noong Mayo.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending