Hidilyn Diaz balik-Pilipinas ngayon | Bandera

Hidilyn Diaz balik-Pilipinas ngayon

Angelito Oredo |August 11,2016
facebook
share this

Hidilyn Diaz balik-Pilipinas ngayon

Angelito Oredo - August 11, 2016 - 01:00 AM

MASAYANG nagpaalam si Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz sa kanyang mga kakampi Martes ng gabi (Miyerkules sa Maynila) bago sumakay sa Emirates na magbabalik sa kanya sa Pilipinas kung saan inaasahang nakatakda itong bigyan ng tila reyna na pagsalubong sa sandaling tumapak sa airport.

Sinamahan muna ni Diaz ang delegasyon ng Pilipinas sa Rio de Janeiro para sa thanksgiving dinner bago ito dinala kasama ang kapwa weightlifter na si Nestor Colonia, at coach Alfonso Aldanete sa airport.

Nakatakdang umalis ang grupo alas-2 ng umaga Miyerkules para sa pagbiyahe nito ng mahigit na 25 oras via Dubai, United Arab Emirates.

Pinarangalan naman si Diaz sa isinagawang dinner na may Brazilian steak, salad at wine. Kasama rin sa okasyon si Philippine Ambassador to Brazil Jose Burgos at ilang bisita.

Ang 25-anyos na si Diaz, na nagbigay sa Pilipinas sa una nitong Olympic medal makalipas ang 20 taon, ay napaiyak matapos magpaalam sa kanyang mga kakampi, kabilang na ang nakatakda pang lumaban. Halos lahat sila ay magkakasama na sa Rio sapul noong Hulyo 23.

“Excited na ako umuwi pero malungkot din ako kasi iiwan ko na kayo. Napamahal na ako sa lahat ng kasama ko dito,” sabi ni Diaz, na gusto na makita ang kanyang magulang na sina Eduardo at Emelita pagdating sa Maynila.

Ang mga magulang ni Diaz ay papupuntahin sa Maynila mula Zamboanga City. Mula sa NAIA Terminal 3, dadalhin si Diaz, ang unang weightlifter at babae na nagwagi ng Olympic medal ng bansa, sa isang hotel kung saan makakasama nito ang kanyang mga magulang at dalawa pang kaanak para sa isang overnight stay.

Isang press conference rin ang planong isagawa ganap na alas-6 ng gabi sa hotel. Kung matutuloy ay ibabalik din sina Diaz pabalik sa Zamboanga City sunod na araw sakay ng private plane ni sports patron Manny V. Pangilinan.

Balak ni Diaz na samahan ang pamilya at makipagsaya sa pista sa kanilang bahay sa Barangay Mambang sa Zamboanga City sa Linggo.

Nakatakda rin itong makipagkita sa pamunuan ng Philippine Sports Commission kung saan ipagkakaloob ang kanyang bagong house and lot habang inihahanda rin ang pakikipagkita nito kay Pangulong Duterte.

“Good luck sa inyo. Kaya n’yo yan,” sabi ni Diaz sa natitirang kasamahan na sasabak pa sa Rio Olympics.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending