Magkumpare sa kabulastugan | Bandera

Magkumpare sa kabulastugan

Susan K |July 20,2016
facebook
share this

Magkumpare sa kabulastugan

Susan K - July 20, 2016 - 12:10 AM

MAGKASAMANG dumulog sa Bantay OCW sina Rina at Connie, galing Pangasinan, upang humingi ng tulong hinggil sa mga problema nila sa kanilang mga mister na matagal na nilang tinitiis.

Parehong nasa Saudi Arabia ang kanilang mga asawa. Magkumpare ito sa kanilang probinsiya.

Nagkayayaang mag-abroad at mahigit tatlong taon nang nagtatrabaho doon.

Pareho rin na hindi pa umuuwi sa bansa simula nang makaalis mahigit tatlong taon na ang nakararaan. Maski bakasyon ay hindi pa nagagawa ng dalawa.

Mula pa nang simula, papalya-palya rin ang pagpapadala ng kanilang financial support sa pamilya. Magpadala-dili ang dalawang lalaking OFW. Tinagurian nga nila iyong patay-sindi. Minsan mayroon, minsan naman wala.

Palibhasa naging maluwag din sina Rina at Connie sa kani-kanilang mga asawa kung kaya’t nasanay na rin siguro ang magkumpare sa minsanang pagpapadala at minsanang hindi pagbibigay ng kanilang suporta.

Tatlo ang anak ni Rina, dalawa naman ang kay Connie. Natuto silang maghanap-buhay nang kahit ano na lamang upang may madala lamang sa hapag-kainan.

Iyan naman talaga ang naturalesa ng isang ina. Magsasakripisyo hanggang sa puntong kahit hindi na kaya, kinakaya pa. Gagawin ang lahat, dahil hindi nila kayang tiising makitang nagugutom at naghihirap ang kanilang mga anak. Minsan nga, ang pagkaing isusubo ng isang nanay ay ibinibigay pa sa anak.

Iyan naman ang malaking pagkakaiba ng ina sa mga ama.
Ngunit hindi rin naman natin lalahatin, dahil may mangilan-ngilan ding ina ang nakatitiis sa kanilang mga anak.

Ngunit sa kaso ng magkumpareng ito, talagang natiis ng mga ito ang kanilang mgapamilya. Kung makailang beses lamang ang mga ito nakapagpadala ng pera sa kanilang mga pamilya; hindi naiisip kung may kinakain pa ba ang mga ito.

Kaya nga sabi ng dalawang ginang, mas mainam pa raw nang hindi pa nakakapag-abroad ang dalawa, hindi sila naghirap na katulad nang dinadanas nila ngayon.
Diretsahang tinanong ng Bantay OCW kung mayroon na bang ibang pinagkakaabalahan ang kanilang mga asawa sa Saudi? Sabay pa silang sumagot ng malakas na “oo”.
Mero na raw kanya-kanyang babae ang dalawa na doon ay ibinahay pa. Hindi rin nila alam kung may mga anak na rin ang mga ito sa mga babaeng kanilang kinakasama.

Hindi naman umaasa pa sina Rina at Connie na babalik pa ang kanilang mga asawa sa kanilang piling. Ang tanging dasal na lamang ay makaalala ang mga ito na suportahan ang kanilang mga anak dito sa Pilipinas, lalo pa’t pawang mga menor de edad pa ang mga ito.

Iyan ang palaging nakalulungkot na kuwento ng pag-aabroad ng ating mga OFW.
Ang pamilyang dapat sana’y siyang pinaglalaanan ng kanilang mga pagsasakripisyo, ang pamilya ding ito ang siyang nagdurusa. Nawalan na nga ng kabuhayan, nawalan pa ng ama ang kanilang tahanan.

Gayunpaman, napakalaki ng papel ng ina kapag dumarating na sa ganitong sitwasyon. Dahil anuman ang mangyari sa pag-aabroad ni mister, naging matino o nagluko man ito, kailangang saluhin agad ng maybahay ang obligasyong tinalikuran nang asawa.

Oo masakit at talagang mahirap, ngunit ito ang mga kalagayang hindi na nila kontralado. Ayawan man nila, naroroon na sila sa ganoong kalagayan.
Wala rin namang police power ang ating embahada sa abroad upang papanagutin sa kanilang pagpapabaya sa pamilya at ipakulong ang mga iyon, dahil hindi sakop ng batas ng Pilipinas ang bansang kinaroroonan nila.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Tanggap na naman ‘anya nila ang pagtataksil ng kanilang mga asawa, hiling lang nila, mapakiusapan sanang gawin namang regular ang pagpapadala sa kanila.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending