Arellano Chiefs, San Sebastian Stags hangad makisalo sa itaas | Bandera

Arellano Chiefs, San Sebastian Stags hangad makisalo sa itaas

Angelito Oredo |July 01,2016
facebook
share this

Arellano Chiefs, San Sebastian Stags hangad makisalo sa itaas

Angelito Oredo - July 01, 2016 - 01:00 AM

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
12 nn. Arellano vs San Sebastian (srs)
2 p.m. St. Benilde vs Letran (srs)
4 p.m. Jose Rizal vs Perpetual (srs)

Team Standings: San Beda (2-0); Mapua (2-0); Arellano (1-0); San Sebastian (1-0);
Letran (1-1); Emilio Aguinaldo (1-1); Jose Rizal (0-1);  Perpetual (0-1); Lyceum (0-2); St. Benilde (0-2)

PAGKAKATAON muli ni Jio Jalalon na ipamalas sa ikalawang sunod na laro ang tsansa na kilalanin bilang paborito na mag-uwi sa pinag-aagawang karangalan bilang Most Valuable Player sa pamumuno sa Arellano University Chiefs sa paghahangad sa panalo kontra San Sebastian College Stags ngayong Biyernes ng hapon sa 92nd National Collegiate Athletic Association (NCAA) men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Si Jalalon, na nanguna sa Chiefs sa apat na titulo sa pre-season at isang ikalawang puwesto sa likod ng De La Salle University sa 2016 Filoil Flying V Preseason Premier Cup, ay naghulog ng 25 puntos sa 83-78 panalo sa University of Perpetual Help Altas noong Linggo upang muling ipakita ang kahandaan na lumaban sa pinakamataas na individual award ng liga na huling napanalunan ni Allwell Oraeme ng Mapua Cardinals.

Kaya inaasahan muli ni Arellano coach Jerry Codiñera na mag-iinit muli si Jalalon sa alas-12 ng tanghali na laban kontra sa Stags.

“He’s the heart and soul of this team, we need him to play like an MVP,” sabi ni Codiñera.

Hangad ng Arellano ang panalo na magtutulak dito sa liderato kasama ang San Beda Red Lions at Mapua, na kapwa walang talo sa loob ng dalawang laro.

Gayunman, hindi basta na lamang magpapaiwan ang San Sebastian na huling inuwi ang 59-49 panalo kontra sa College of St. Benilde noong Linggo na nagpamalas sa kumpletong pagbabago sa koponan mula sa run-and-gun team tungo sa pagiging defense-first squad.

“I want to instill in this team a winning attitude and we could achieve that by playing defense first,” sabi ni Stags coach Egay Macaraya, na nagwagi ng titulo sa kanyang mga dating koponan bago lumipat para mag-coach sa San Sebastian.

Sa iba pang laro ay magtatangka ang kasalukuyang kampeon na Letran Knights masungkit ang ikalawang sunod na panalo matapos mabigo sa San Beda sa una nitong laban sa pagsagupa sa hindi pa nananalong St. Benilde sa ikalawang laro dakong alas-2 ng hapon.

Tangka naman ng Perpetual Help at Jose Rizal University Heavy Bombers ang unang panalo sa paghaharap ganap na alas-4 ng hapon.

Nagbabalik ang Nigerian na si Bright Akhuetie para ibigay ang opensiba matapos hindi makapaglaro sa kabiguan ng Altas kontra sa Chiefs dahil sa kanyang tuhod.

Samantala, magpapahinga ng kabuuang anim na araw ang mga laro ng NCAA bilang pagbibigay suporta sa pambansang koponan na Gilas Pilipinas na magtatangkang magkuwalipika sa 2016 Rio Olympic Games sa isasagawa dito na FIBA Olympic Qualifying Tournament simula Hulyo 5 hanggang 10.

Ito ang napag-alaman kay Arellano University athletic director at NCAA Mancom member Peter Cayco kung saan huling isasagawang laro ngayon ang tatlong laban ng mga koponan sa seniors bago magpahinga at magbalik sa Hulyo 11 sa limang laro na tampok ang mga juniors.

Ang Manila FIBA Olympic Qualifying Tournament ay isa sa tatlong lugar kung saan paglalabanan ang isa sa mga natatanging silya para makalaro sa nalalapit na Rio Olympics.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Makakalaban ng Pilipinas, na asam ang kauna-unahan nitong pagkuwalipika sa kada apat na taong Olimpiada, ang powerhouse na France sa una nitong laro sa Hulyo 5 bago sundan ng pakikipagharap nito sa New Zealand sa Hulyo 6.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending