Sana makalusot ang Gilas | Bandera

Sana makalusot ang Gilas

Barry Pascua |May 28,2016
facebook
share this

Sana makalusot ang Gilas

Barry Pascua - May 28, 2016 - 01:00 AM

KAYA ba ng higanteng suporta ng hometown crowd na itulak sa tagumpay ang Gilas Pilipinas sa darating na Olympic qualifier na gaganapin sa bansa sa unang linggo ng Hulyo?

Mukhang iyon na lang ang puwedeng asahan ni coach Tab Baldwin matapos na salantain ng kapansanan ang mga hopefuls sa 24-man roster na isinumite ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa FIBA.

Noong Martes ng gabi ay napag-usapan ng ilang sportswriters ang posibleng kumbinasyon ng PH Team para sa qualifier matapos na ipabatid nina Greg Slaughter, Matt Ganuelas-Rosser at Paul Lee na hindi sila magiging bahagi dahil sa nagtamo sila ng injuries.

Ang diskusyon ay nangyari sa victory party ng Rain or Shine na ginanap sa Emerald Garden Restaurant. Kabilang sa dumalo ang mga team owners na sina Terry Que at Raymond Yu, PBA Governor Atty. Mamerto Mondragon at coach Joseller “Yeng” Guiao.

Sa umpisa ng usapan ay nasabi ni Yu na kung may injury si Slaughter at noon pa interesado si Baldwin kay Raymond Almazan puwedeng ipahiram ng Rain or Shine ang three-year veteran para magkaroon ng tsansa ang Pilipinas.

“Hindi naman mahaba ang magiging playing time niya kasi may Andre Blatche na ang Gilas. So, karagdagang big man na lang. We will be willing to lend him,” ani Yu.

Tatawagan na sana ng isang sportswriter si Gilas assistant coach Alex Compton upang tanungin kung gusto pa ni Baldwin si Almazan. Kaya lang ay may nagsabi na hindi na puwedeng magdagdag ng hopefuls.

Kasi naisumite na nga sa FIBA ang listahan ng 24 manlalarong puwedeng pamilian ni Baldwin.

So, hindi puwedeng idagdag si Almazan o kahit na sino pang big man sa mga kandidato.

“Wala na tayong magagawa kundi to make do of what we have. Nandiyan pa naman si June Mar Fajardo. Kaya na siguro iyan,” ani ng isang sportwriter.

Kaya lang ay tila hindi rin makakasama si Fajardo na nagsimula na ngang mag-ensayo sa Gilas. Mukhang nagtamo na naman siya ng injury at kailangan na naman niyang magpahinga.

Naging injury-prone itong si Fajardo mula nang magsimula ang season, e. Ang dami nga niyang mga games na na-miss. Mabuti na lang at nagkampeon ang San Miguel Beermen sa Philippine Cup.

Akala nga ng lahat ay tuluy-tuloy na walang injury si Fajardo. Pero muli ay nagtamo siya ng kapansanan sa Governors’ Cup. At ngayon ay tagilid siya sa Gilas.

Wala na nga si Slaughter ay wala pa rin si Fajardo!

Hindi kakayaning mag-isa ni Blatche ang laban sa gitna. Kailangang mag step-up ang mga undersized big men ni Baldwin upang maging maayos ang banggaan nila sa mga malalaking sentro ng ibang bansa.

Nang huling ganapin sa bansa ang isang FIBA tournament na nilahukan ng Gilas ay sumegunda tayo at naging sapat iyon upang makalahok tayo sa World Cup. Kasi top three placers ang ipinadala sa torneong ginanap sa Spain.

Pero ngayon ay isa lang sa grupo natin ang tutuloy sa Rio de Janeiro Olympics.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Apat nga lang ang koponang maglalaban. Pero matitindi naman lahat at walang panapon.
Sana sa kabila ng kakulangan natin ay makalusot tayo!

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending