Biyahe: Food trip sa Cagayan de Oro City | Bandera

Biyahe: Food trip sa Cagayan de Oro City

Bella Cariaso |May 22,2016
facebook
share this

Biyahe: Food trip sa Cagayan de Oro City

Bella Cariaso - May 22, 2016 - 05:40 PM

biyahe

KAPAG bumisita ka sa isang lugar na unang beses mo lang pupuntahan, ano ang unang gusto mong diskubrehin?

Marami ang nagsabi na nais nilang makita ang ipinagmamamalaking magagandang tanawin ng lugar. Meron namang gustong malaman ang kasaysayan at kultura nito. Ang iba naman ay interesadong matutuhan ang lengguwahe o dayalekto ng mga residente.

Kung kami ang tatanungin, ang basehan ng aming desisyon na muling balik-balikan ang isang lugar ay ang mga pagkain na katutubo rito.

Kaya nga may puwang sa aming puso (at tiyan) ang Ilocandia dahil sa sinaglao (sopas na pinaghalong papaitan at nilagang baka), okoy Vigan, tinugbong (minatamis na malagkit sa loob ng kawayan), empanadang Pagudpud, royal bibingka, insarabasab (sisig), longganisang Iloko, at bagnet.

Pahuhuli ba ang aming bayan ng Pampanga kapag pagkain ang usapan? Nariyan ang tocino, sisig, halo halo, pancit palabok, tibok tibok, biringhe, betute o palaka, kamaru, burong kanin na may isda o hipon, turonnes de casuy, pastillas at sanikulas.

At ang Iloilo, sa kanilang pancit molo, La Paz batchoy, chicken binakol, kansi, kadios, baboy at langka (KBL), laswa, barquillos, queen siopao, at butterscotch. Kaya nga nang minsang bumisita kami sa Cagayan fe Oro City ay ang pagkain ng siyudad, siyempre, ang ginugulan namin ng panahon.

Aabutin lamang ng 80 minuto o isang oras at 20 minuto ang biyahe ng eroplano mula sa Maynila hanggang Laguindingan Airport sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental. Maganda at moderno na ang Laguindingan Airport kaya walang hassle kung ikaw ay pupunta sa lungsod.

Isang araw lamang kami nanatili roon pero sulit dahil kahit pagod sa ginawang opisyal na trabaho, nakakain naman kami sa ilan sa mga dinarayong mga restaurant sa lungsod. Napakamoderno na ng Cagayan de Oro. Hindi mo aakalaing nasa probinsiya ka.

Malalaman mo lang na ikaw ay nasa probinsiya pa rin dahil sa nadadaanan mo sa tabi ng kalsada ang malawak na karagatan. Dahil sa sobrang init, makikita mo ang mga residente na enjoy na enjoy na naliligo sa malinaw na dagat.

Mula sa airport, tinatayang 45 minuto ang gugulin para makarating sa Cagayan fe Oro City. Tumuloy kami sa Limketkai Luxe Hotel na nasa Limketkai Ave. Ang hotel ay bahagi ng tinatawag nilang Limketkai Complex na binubuo ng iba’t ibang mall at restaurant.

Napakaganda ng Limketkai Luxe Hotel. Nasa P2,750 ang standard room rate nito. Pagpasok mo pa lamang, makikita mo na ang engrandeng hagdan kaya ilabas agad ang cellphone at mag-selfie. Dahil maaga pa para sa sunod-sunod na iskedyul na aming pupuntahan, nag-check in muna kami para makapagpahinga ng konti at sa dami ng bisitang mga lokal at banyagang turista, sa ika-10 palapag na kami nakakuha ng kuwarto.

Malalaki ang mga standard room ng Kimketkai at magkahiwalay ang dalawang kama. Siyempre, tiyak kong ang tatanungin nyo rin sa hotel ay kung may wifi dahil kahit nasa probinsiya, gusto natin updated pa rin tayo sa social media.

Meron na ring libreng buffet breakfast ang hotel na kung saan kabilang sa pagpipilian ay ang masarap na danggit. Bukod pa rito, may libreng gym na inaalok ang hotel para sa mga nakagawian nang mag-ehersisyo nang regular at meron din itong infinity pool para sa mga gustong mag-swimming habang nasa hotel.

Kung wala kang sasakyan at gusto mong walang hassle ang pag-iikot sa lungsod, may mga van rental din na makukuha mo ng P3,500 sa loob na ng 12 at P250 sa kada karagdagang oras at hindi pa kasama ang gasolina. Magagalang ang mga driver nito na kasama na sa package.

Bago sumabak sa trabaho, kumain muna kami sa Prawn House Seafood Restaurant na hindi kalayuan sa Limketkai Complex. Nakatayo mismo ang Prawn House Seafood Restaurant sa gilid ng dagat at kitang-kita mo ang mga naliligo sa dalampasigan.

Napakalamig ng hangin na nagmumula sa dagat kaya di mo na kailangan ang electric fan o aircon.
Higit sa lahat, panalo sa ulam, na halos puro seafood ang mga putahe. Meron ding mga karne kung nais mo ng baboy at manok.

Kabilang sa mga tinikman namin ang sinabawang tulya, sinigang na lapu-lapu, piniritong panga, hipon, crispy pata, kalamares, kilawin na isda at seaweed. Pagkatapos ng tanghalian ay sumabak na kami sa maghapong trabaho kung saan pumunta kami sa Misamis Oriental na tinatayang 45 minuto lamang mula sa pinanggalingan namin at pagkatapos ay tumuloy kami sa Pueblo de Oro Township, Cagayan de Oro City.

Inabot na ng alas-8 ng gabi nang natapos ang aming trabaho kaya dumiretso na kami sa isang restaurant, ang Cafe Laguna, sa lobby level ng The Mallberry Suites Business Hotel na halos katabi rin lamang ng hotel na aming tinutuluyan. Kabilang sa mga specialties nila ang chicken with pandan, ensaladang mangga, kare-kare, sparibs at pinakbet.

Dahil napadami ng kain, imbes na magpahatid sa van, nagdesisyon ang ilan sa amin na maglakad na lang pabalik ng hotel. Nadaanan namin ang mga security ni Pangulong Aquino sa Kagay-anon Steak House. Naroon daw si Aquino para sa kanyang paboritong steak.

Maaga kaming nagising dahil nais namin makabili kahit paaano ng mga pasalubong bago ang flight namin pabalik ng Maynila. Siyempre, kumain muna kami sa buffet breakfast ng hotel kung saan ang paborito naming danggit, omelet at kape ang aming nilantakan bagamat napakaraming pagpipilian—iba’t ibang pastries at prutas.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Dahil sarado pa noon ang mga bilihan ng pasalubong ay itunuro kami ng mga residente sa Cogon.
Sa Aroroma Grocery namin natagpuan ang ipinagmamalaking pastel at slers ng siyudad. Sa Vandep, isa pang tindahan ng mga pampasalubong ay mabibili ang napakalinamnam na ham ng Misamis.

Mahigit P400 ang 500 grams nito at mahigit P700 naman ang 1000 grams. Isang araw lang ang ginugiol namin sa siyudad kaya hindi namin naikot ang iba pang restaurant at kariderya na ayon sa mga residente ay nag-aalok ng iba pang katutubong pagkain ng probinsya. Iyan ang aming misyon sa pagbabalik namin sa Cagayan de Oro City.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending