Di magastos na Valentine's date? Pwede! | Bandera

Di magastos na Valentine’s date? Pwede!

Leifbilly Begas |February 14,2016
facebook
share this

Di magastos na Valentine’s date? Pwede!

Leifbilly Begas - February 14, 2016 - 02:52 PM

SINO ba naman ang ayaw ng bonggang Valentines date?

Yung tipong kakain sa magarang restaurant sa mamahaling hotel kung saan ka bibigyan ng bulaklak na inangkat pa sa ibang bansa.

Pero aminin natin na hindi lahat ay can-afford sa mga ganitong gastusin. Hindi rin naman ibig sabihin ay hindi na magiging masaya ang iyong Valentines kung wala nito.

Hindi naman kailangang gumastos ng malaki para maging masaya at memorable ang iyong Valentines.

Date sa bahay

Ang Valentine’s Day ay maaaring maging oportunidad upang mapanood mo at ng iyong minamahal ang inyong paboritong television series.
Sa halip na lumabas at makisabay sa ibang nagde-date, mag-staycation na lamang sa bahay.
Maaaring maghanda ng popcorn, butong pakwan, o iba pang paborito ninyong kutkutin.

Date sa kama

Kung palagi na lamang kayong busy at halos hindi na nagkikita ng iyong minamahal, bakit hindi subukin na huwag namang lumabas ng kuwarto sa Valentine’s Day.

Baka kailangan nyo na ng total bonding ng iyong misis o mister para malaman n’yo naman ang mga bagay na nangyayari sa inyo.

Pero teka, para lang ito sa mga mag-asawa ha.

Iplano ang bakasyon

Hindi ito ‘yung date na tipong gagastos ka.

Mangangarap lang kayo o magpaplano ng bakasyon. Kung malayo pa ang planong biyahe ay maaaring makakuha ng murang tiket sa eroplano at hotel.

Internet lang ang kakailanganin para makahanap ng mga murang bakasyon. At siyempre dahil malayo pa nga ay mapaghahandaan at mapag-iipunan mo pa ito.

Tipid-tipid na lang muna para mabayaran ang eroplano at hotel.

Tumakbo

Kung healthy living naman kayo ng iyong minamahal, bakit hindi tumakbo na lamang?
Maaari kayong tumakbo sa lugar kung saan kayo unang nagkita o kaya sa bagong trail para inyong maranasan.
Siguradong hindi lahat ay gagawin ito kaya makakaiwas kayo sa siksikang dulot ng V-day.

Date sa kusina

Mahilig ka bang magluto? Bakit hindi gawing special ang V-day sa pamamagitan ng pagluluto ng masarap na putahe na inyong pagsasaluhan sa bahay.

Hindi na kakailanganing magbihis pa dahil kahit naka-pambahay ay okay na.

Kung wala namang gagawin ang iyong kabiyak ay maaaring sumali rin siya sa paghahanda ng lulutin. O bakit hindi kaya kayong dalawa ang mamalengke para mas maging mahaba ang oras na pagsasamahan ninyong dalawa?

Date sa park

Pwede naman na magbitbit ng kakainin at pumunta sa park.

Gamitin ang katahimikan sa park para magkuwentuhan at makabawi sa kulang na oras na ibinibigay ninyo sa isa’t isa.

Magturuan

Baka naman meron kang alam gawin na gustong matutuhan ng inyong kapareha. Pwedeng gamitin ang V-day upang matuto.

May alam ka bang ibang lenguwahe, bakit hindi mo turuan ang iyong mahal?

O baka naman naggigitara ka? Bakit hindi tugtugin ang inyong paboritong kanta at ituro sa kanya ang mga nota?

Date sa spa (sa bahay)

Dahil nagtitipid ka, hindi mo na kailangang lumabas para magpa-spa.

Gawin na lamang ito sa bahay ngayong V-day. Maraming mapapanood na basic tutorial ng spa treatment sa internet na madaling sundan.

Marami ring mabibiling mga gamit na pang spa sa mga pharmacy kaya hindi ka mahihirapan sa home-spa.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending