Claudine mas gumaling pa ang akting dahil kay Raymart | Bandera

Claudine mas gumaling pa ang akting dahil kay Raymart

Cristy Fermin |February 13,2016
facebook
share this

Claudine mas gumaling pa ang akting dahil kay Raymart

Cristy Fermin - February 13, 2016 - 02:00 AM

claudine barretto

Hindi kinalawang. Ganu’n ang paglalarawan ng mga kasamahan naming manunulat sa acting na ipinakita ni Claudine Barretto sa special screening ng unang linggo ng Bakit Manipis Ang Ulap? na mapapanood na sa Lunes, February 15, sa TV5.

Komento ng isang kapwa manunulat, “Ang artista talaga, basta may talent, mamahinga man, e, hindi kinakalawang ang galing sa pag-arte.” Nagkakaisa ang mga sumilip sa special screening ng serye na hindi pa rin nakalimutan ng aktres ang pag-arte, mahabang pamamahinga ang limang taon, pero pinatunayan ni Claudine na ang artistang tunay ay meron pa ring ibubuga.

Pinapalakpakan ang mga eksena ni Claudine, puso niya ang nagtawid sa mga eksenang maselan, kaya ang opinyon ng mas nakararami ay mas gumaling pa siyang umarte ngayon dahil sa nangyari sa relasyon nila ni Raymart Santiago.

Propesyonal naman ang paglalarawan kay Claudine ng kanyang mga kasamahan, ayon sa staff ng TV5 at Viva Entertainment ay masarap siyang katrabaho dahil mahal niya ang kanyang propesyon, magaling na siyang umarte ay marespeto pa sa calltime.

Sa darating na Lunes na, February 15, ang pagsisimula ng gabi-gabing teleseryeng Bakit Manipis Ang Ulap? na pinagtambalang buuin ng TV5 at Viva Entertainment. Nagbubunyi ang mga tagahanga ng aktres na hindi bumitiw ng pagsuporta sa kanya kahit nu’ng mga panahong may kaguluhan ang kanyang personal na buhay.

Pero tapos na ang lahat ngayon, balik-trabaho na ang aktres, at isang magandang pagbabalik ang ihahandog niya sa publiko. “At kahit medyo malusog pa siya, ang ganda-ganda ni Claudine, mahal siya ng mga camera, maganda ang rehistro niya,” komento ng kaibigan naming nakapanood ng pasilip sa unang linggong sultada ng Bakit Manipis Ang Ulap? ng TV5.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending