DNA test sa 'kamag-anak' ni Poe negatibo muli | Bandera

DNA test sa ‘kamag-anak’ ni Poe negatibo muli

Leifbilly Begas |February 12,2016
facebook
share this

DNA test sa ‘kamag-anak’ ni Poe negatibo muli

Leifbilly Begas - February 12, 2016 - 03:32 PM

Grace-Poe-11-660x453
Muling nagnegatibo ang isinagawang DNA test sa mga ipinapalagay na kamag-anak ni Sen. Grace Poe sa Guimaras.
Ayon kay Poe hindi nagtugma ang kanyang DNA kay Lorena Rodriguez-Dechavez na lumapit sa kanya ng magpunta siya sa Iloilo noong nakaraang taon.
Ipinahukay ni Dechavez ang labi ng kanyang ama subalit masyado na itong agnas para makuhanan pa ng DNA sample.
“Yung mga succeeding ones from the family of Lorena hindi rin nag-match sa ngayon,” ani Poe na nangampanya sa San Carlos City sa Pangasinan kahapon.
Naniniwala si Poe na hindi ito makakaapekto sa kanyang kinakaharap na disqualification cases sa Korte Suprema.
“Pero hindi naman kami nawawalan ng pag-asa sapagkat unang-una ang aming argument sa Korte Suprema ay hindi naka-base sa DNA. Ito’y naka-base sa mga karapatan ng mga batang napulot na magkaroon ng estado sa bansang ito,” ani Poe.
Samantala, sinabi ng running mate ni Poe na si Sen. Chiz Escudero na hindi dapat diktahan ng sinuman ang Korte Suprema sa gagawin nitong desisyon bilang tugon sa pahayag ng Liberal Party senatorial bet na si Sen. Franklin Drilon dapat madaliin ang resolusyon sa disqualification case ng senadora.
“Hindi para sa akin para diktahan ang Korte Suprema. Sana ‘yung mga miyembro ng LP, tigilan na rin ang pagdikta sa Korte Suprema na ito o ganyan ang dapat nilang gawin,” ani Escudero.
Umaasa si Escudero na matatapos na ngayong buwan ang oral argument sa kaso ni Poe at makapaglalabas na ang SC ng desisyon sa Marso na papabor sa kanilang panig.
“At buo ang pag-asa namin na ito’y papabor kay Senator Grace, sa isang simpleng dahilan, sa kaso tungkol sa kababayan n’yong si FPJ (Fernando Poe Jr.), sinabi ng Korte Suprema kaugnay sa disqualification case na inihain laban sa kanya, citizenship din ang issue. Sabi ng Korte Suprema sa pamamagitan ni (dating) Chief Justice (Reynato) Puno, ‘we cannot leave to the unelected members of this Court the power and right to decide who the next president will be. That decision is best left to the sovereign Filipino people’.”

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending