Chiz di kilala 'Ama ng Wikang Filipino' | Bandera

Chiz di kilala ‘Ama ng Wikang Filipino’

Bella Cariaso |February 07,2016
facebook
share this

Chiz di kilala ‘Ama ng Wikang Filipino’

Bella Cariaso - February 07, 2016 - 03:00 AM

SA mga nakarinig at nakapanood noong Biyernes sa programa ng DZMM na “Halalan 2016, Ikaw Na Ba?” tiyak kong marami ang namangha at nadismaya matapos namang tanungin si Sen. Francis “Chiz” Escudero kung sino ang Ama ng Wikang Filipino at sa kasamaang palad ay hindi man lamang nasagot ng senador.

Mismong ang mga anchor ng programa ay hindi na nakapagsalita matapos ang pagkabigla nang hindi man lamang nakapagbigay ng pangalan si Chiz sa kanilang katanungan kung sino ang Ama ng Wikang Filipino.

Marami tuloy ang nagkomento na dapat sigurong bumalik si Sen. Escudero sa elementary o high school para malaman niya kung sino ang Ama ng Wikang Filipino.

Sobrang nakakahiya! Napakatatas ni Escudero kapag nagsalita ng Wikang Filipino pero ni wala siyang ideya kung sino ang Ama ng Wikang Pilipino.

FYI lang po Sen. Chiz, si dating Pangulong Manuel Luis Quezon ang siyang Ama ng Wikang Pilipino.
Kilala kasi si Escudero sa pagsasalita ng Filipino kapag kinakapanayam. Natanong pa siya ng mga anchor kung bakit ang bilis-bilis niyang magsalita ng Filipino at ang sagot pa niya ay ito raw ang turo sa kanya para hindi mahalata na mali ang sinasabi.

Para sa kaalaman ni Chiz, na nagpapakadalubhasa sa pagsasalita ng Wikang Pambansa, si Quezon din ang Ama ng Republika ng Pilipinas at unang pangulo ng Commonwealth ng Pilipinas. Tinawag din si Quezon bilang Ama ng Kasarinlang Pilipino dahil sa kanyang mga ginagawa para isulong ang kasarinlan ng bansa mula sa pamahalaang Amerikano.

Talagang nakakahiya lalo pa’t ang projection nitong si Chiz ay mapagmahal siya sa sariling wika dahil sa lahat ng kanyang mga talumpati, kahit sa pagsasagawa ng kanyang mga pagdinig sa Senado, sa kanyang mga pagtatanong, at sa halos lahat ng kanyang mga panayam ay puro wikang Filipino ang kanyang gamit.

Matatawa na lamang ang mga nakakarinig sa kanya dahil laging parang tumutula o kaya ay nakikipagbalagtasan sa kanyang mga kausap.

Ang ending, mabubuko lamang pala siya na hindi man lamang niya kilala kung sino ang Ama ng Wikang Pilipino.

Dinadaan din ni Escudero sa bilis ang kanyang pagsasalita pero kung tutuusin wala namang laman at kabuluhan ang kanyang sinasabi.

Hindi tuloy pinalampas ng isang listener mula sa Komisyon sa Wikang Filipino ang kapalpakan ni Escudero kayat nagkomentaryo siya na nalulungkot sila dahil hindi alam ni Chiz kung sino ang Ama ng Wikang Filipino.

Para hindi magmukhang kahiya-hiya, dinaan na lamang ni Chiz sa biro ang kapalpakan at sinabing siya rin ay nalulungkot dahil hindi nga niya kilala ito.

Tama nga naman na talagang nakalulungkot kung bakit hindi alam ng senador ang basic na inpormasyon hinggil sa Wikang Pilipino.

Asan kaya si Sen. Escudero nang ituro ito sa elementary pa lamang. Ang pagkakaalam ko ay mismong sa pre-school ay itinuturo na kung sino ang Ama ng Wikang Filipino. Hindi kaya nagbulakbol noong si Sen. Escudero?

Lumalabas na hindi nakukuha sa bilis ng pagsasalita ang kaalaman ng isang tao, lalu na ang isang politiko gaya ni Chiz.

Kung talagang may pagpapahalaga at pagmamahal si Sen. Escudero sa kanyang wika at bayan, dapat ay inaalam kung sino-sino ang mga naunang nagsulong ng wikang Filipino.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Pero si Chiz, mismong Ama ng Wikang Filipino ay hindi niya kilala kung sino. Nakakalungkot talaga.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending