Nanay ni Pastillas Girl binaril sa ulo, patay | Bandera

Nanay ni Pastillas Girl binaril sa ulo, patay

Ervin Santiago |November 30,2015
facebook
share this

Nanay ni Pastillas Girl binaril sa ulo, patay

Ervin Santiago - November 30, 2015 - 12:16 PM

NAGLULUKSA ngayon ang pamilya ni Angelica Jane Yap na nakilala bilang si Pastillas Girl sa noontime show ng ABS-CBN na It’s Showtime matapos barilin at mapatay ang kanyang ina sa Caloocan City kahapon. Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital si Maria Theresa Hernandez na nagtamo ng tama ng bala sa ulo matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek malapit sa isang karinderya sa pagitan ng Tagaytay at Cabanatuan Streets sa Barangay 131, Caloocan City. Base sa report, kagagaling lang sa simbahan ng nanay ni Angelica na isang barangay kagawad sa kanilang lugar, kasama ang isa pa nitong anak na babae at isang pamangkin, nang mangyari ang insidente. Nakunan ng CCTV ang pamamaslang, isang lalaking nakasuot ng puting t-shirt ang nakitang naglalakad papunta sa kinaroroonan ni Teresa at ilang sandali lang ay binaril nito sa ulo ang biktima. Mabilis na tumakas ang salarin patungong A. Bonifacio St. sakay ng kanyang motorsiklo. Agad na isinugod sa Chinese General Hospital si Teresa ng mga sumaklolo pero nalagutan na rin ito ng hininga. Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang krimen at balitang isa sa mga anggulong tinintingnan ng mga imbestigador ay kung may kinalaman ito sa pagiging barangay kagawad ng biktima. Hustisya naman ang sigaw ng pamilya ni Angelica sa ginawang pagpatay sa kanyang ina. Nangako rin ang dalaga na makikipagtulungan sila sa mga pulis para sa mabilis na pagresolba sa kaso.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending